Showing posts with label saudi. Show all posts
Showing posts with label saudi. Show all posts

Tuesday, June 1, 2010

Pahabol sa Summer

View Comments


June na...pasukan na naman ng mga bata. Kasama rin dito ang mga matatandang gustong manatiling bata para walang problema sa pagraket ng pera! Yup, tapos na ang summer sa Pilipinas pero dito sa Saudi ay parang walang hangganan. Paano ba naman, napakatindi magpasikat ng araw at lagi pang overtime kung magpahinga. Ang init dito ay nasa forty hanggang forty-five degrees - puwede kang magprito ng itlog sa hood ng sasakyan mong nabilad lang ng ilang minuto. Ang sunset naman dito ay past seven na ng gabi kaya maliwanag pa rin na akala mo ay ala-singko pa rin ng hapon.

Wednesday, March 17, 2010

Gusto Ko Ng Baboy

View Comments








More Free Music at Cafe-Razo.com





Kung mamili ako ng sountrack ng Saudi Life ko, heto ang track listing:


   1. "Gusto Ko Ng Baboy" by Radio Active Sago Project
   2. "Sarsa Platoon" by Datu's Tribe
   3. "Lakambini Bottoms" by Datu's Tribe
   4. "Huwag Kang Baboy" by Tribal Fish
   5. "Pigface" by Greyhoundz
   6. "Mr. P.I.G." by Greyhoundz



Walang baboy dito sa kaharian. Kung meron mang makukuhaan ng patago, siguradong mahal ang per kilo nito. Mas mahal pa sa kilo ng baka. Ang dami ko pa namang paboritong ulam na karne ng piggy ang rekado. Kaya naman puro alternatib na sahog ang inihahalo sa mga nakasanayan nating pagkain sa Pinas.


Siyempre una sa paborito ko ang LECHONG BABOY. Lalo na yung galing Cebu, napakasarap! Dahil di makakuha ng visa ang mga kaaway ni Mang Tomas, nagtitiyaga nalang kami sa lechong manok. Pwede na rin dahil napakamura nito dito. Kumpara sa Andok's na 240 pesos, dito ay 12riyals lang o mga 145 pesos. Kung mahilig ka sa LIEMPO ng Andok's, pagtiyagaan mo dito ang chicken barbecue. Huwag ka na umangal dahil no choice ka.

Paborito ko rin ang SISIG, KILAWIN, at DINAKDAKAN. Kaya nga nami-miss ko na ang "Sisig Hooray!" na nagkalat sa Metro Manila. Ang sarap lasamin nung crunchy pigface na hinaluan ng sili, mayo, toyo, at sibuyas. Lalo na yung toppings na dinurog na CHICHARON. Peyborit ko na ulam, at lalo na sa pulutan. Dito sa desyerto, puwede mo rin lutuin ito. Nandyan naman ang ulo ng kambeeeng at baka camel!

Bloody Soup - DINUGUAN. Duduguin ka muna bago mo matikman uli ang isaw ng baboy o karne na niluto sa dugo. Buti nalang at halos Ilokano lahat ang kasama ko sa villa kaya natatatikim pa rin ako ng DINUGUANG MANOK na medyo tuyot ang pagkabanat. May mga nabibilhan naman dito ng mga buhay na native na manok na puwedeng katayin.

Buti pa ang mga stateside, may AMERICAN AD0B0. I'm pretty sure na kamag-anak ni Babe ang laman nito. Dito sa amin, mga cast lang ng "Chicken Run" ang kasama sa lineup. Kung medyo sawa na, may beef steak o BISTEK TAGALOG naman na napakasarap lalo na kung maraming toppings na onion rings.

Sa mga okasyon at piyestahan, solb na ako sa LUMPIANG SHANGHAI. Nasubukan mo na malamang ang beef siomai pero nakatikim ka na ba ng lumpia na gawa sa giniling na baka camel? Damihan mo nalang ng kintsay ang rekado para 'di mo maalala na walang oink oink sa kinakain mo!


'Di ba ang sarap din kumain ng mga ginisang gulay at pinakbet na may sahog na pinira-pirasong porky the pig? Medyo nasasanay na ang dila ko sa baka, manok, at isda.

Sabi ko sa misis ko, puro baboy ang ihain sa pag-uwi ko sa bakasyon. Huwag munang isipin ang high blood dahil mas ma-cholesterol ang mga pagkain dito.

Buti nalang at naka-food allowance ako kaya kami ang nakakapagluto ng pagkain na gusto namin. Gusto ko ng baboy pero ayoko ng PAGKAING BINABOY!!

Saturday, February 6, 2010

Wala Nito sa Pinas

View Comments

May mga priviliges din ang pagiging OFW. Bukod sa walang kamatayang pang-uuto sa atin ng gobyerno na tayo ang mga “bagong bayani”, heto ang ilan sa mga natikman kong wala sa atin simula nang ako ay mangibang-bayan ppatungong Saudi:

First time na makasakay ng eroplano after thirty years ng pamumuhay sa Pinas. Magtrabaho ng walang kaltas mula sa BIR –ang mga taxes na wala namang pinupuntahan kundi sa bulsa ng mga kurakot at walang kuwentang serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno. ‘Di-hamak na mas mataas na sahod. Libreng pagkain. Libreng transpo. Libreng tirahan. Lahat ng kuwarto ay naka-aircondition kahit na magdamag paandarin. Wala kang takot na gumamit ng electric stove dahil mura ang kuryente. Murang electronics and gadgets – halos forty percent ang savings kumpara sa mga binibenta sa Greenhills at Gilmore. Mura ang rekados – pareho ang presyo ng kilo ng sugpo, alimasag, baka, at pusit. Mura ang favorite kong shawarma. Mura ang broasted at lechon manok – one hundred twenty pesos ang equivalent. Nakakakain ka ng imported na “Made in the Philippines”. Dinuguang manok dahil walang baboy. Mas mabilis ang metro ng liters kaysa sa metro ng price kung nagpapa-gasolina (mas mura ang gas kaysa sa tubig!). Magandang superhighway na walang mga kapitalistang toll gate. Bihira ang magnanakaw. Mura ang alahas na gawa sa Saudi gold. Mura ang pang-personal hygiene – pabango, shampoo, toothpaste, lotion, atbp. 3M sunglasses at Caterpillar na safety shoes ang ini-issue as protective personal equipment. Madaling magpatuyo ng sinampay. Madaling magdaing ng isda. Hindi ka nag-aalala na baka umulan dahil wala kang payong. Mas nagiging tiwala ka sa kababayan mo kahit na wala kayong matagal na pagkakakilanlan. Majority ng Pinoy ay united. Mas mahaba ang pasensya ng mga kasama mo. Mas disiplinado at law-abiding ang mga Pinoy. Ikaw ang susuko sa overtime na parang inaayawan mo ang pera.

Ang sarap ‘di ba? Kapalit lang naman niyan ay ang mga panahong nawawala na dapat ay kasama mo ang pamilya mo.

Ano pa hinihinatay mo?! Tara na!

Monday, January 18, 2010

Kumpare ni Ali Baba

View Comments

"'Di maaaring ariin ang pag-aari ng nagmamay-ari" ~ Eraserheads

One week ago, ito ang shoutout ko sa FB. Kaninang umaga, nakausap ko ang misis ko na nanakawan daw kami.

Kabuwanan ngayon ng asawa ko kaya hindi na siya makapaglagi sa bahay namin na nasa second floor ang location. Dahil sa kambal ang dinadala niya, hirap na siyang humakbang sa mga baytang ng hagdanan. Napagpasyahan nalang namin na doon muna siya sa mga biyenan ko manirahan kasama ang kasambahay namin. In other words, mga house spirits lang ang nagbabantay ng tahanan namin. Bukod pa dito ang kapitbahay naming walang pakialam na siya ring may-ari ng mga paupahan.

Ibang klase talaga ang mga kawatan. Bantay-salakay. Walang kinakatakutan. Walang konsiderasyon. Walang puso. Walang isip. Walang kaluluwa.

Ang hirap ng sitwasyon nating mga nagtatrabaho dito sa ibang bansa at mababalitaan mong nilooban ang bahay niyo sa Pilipinas ng mga masasamang tao. Wala kang magawa. Mapapamura ka nalang ng malutong. Lahat ng galit sa dugo mo ay aakyat patungong utak mo. Parang gusto mong umuwi nalang sa Pilipinas dahil sa pag-aalala.

Dito sa Saudi, maku-culture shock ka. Kahit na mag-iwan ka ng gamit sa likuran ng pickup na sasakyan mo ay hindi mawawala. PUWEDE PALA 'YUN?! Siguro kung lahat ng tao sa Pilipinas ay Ex-Saudi, wala nang malilikot ang kamay.

Ang pagtawag ng "Ali Baba" sa iyo dito sa gitnang silangan ay katumbas ng tadyak ng tatlong daang camels sa pagkatao mo dahil magnanakaw lang naman ang ibig sabihin nito. Kaya mo bang sabihin sa asawa't anak mo na magnanakaw ka? Sana kasinlaki ng beach balls ang bayag mo para gawin iyon.

Kapit sa patalim. Buti nalang ay pareho kami ng asawa ko na 'di pinalaki ng mga magulang namin na okay lang magnakaw. Lalo't kung wala na talaga. At least naiintindihan namin na nangangailangan din ang yung taong iyon na kasama ni Ali Baba. Yun nga lang, 'di ko pa rin maisip na ipapakain niya sa pamilya niya yung pagkaing GSM (galing sa magnanakaw). Kung halang na talaga ang mga bituka nila ay talagang 'di na sasakit ang mga tiyan nila!

Ayon nga kay Pekto na sumikat sa "Wow Mali", "PLAK!" Pera lang ang katapat. Yun naman ang dahilan nila sa pagnanakaw. Pero mahirap man sabihin, MONEY IS NOTHING!! Buti nalang at wala sa bahay ang asawa ko nang pinasok kami. At least, bagay lang ang nawala. Kayang-kayang palitan.

Natuwa ako sa tinext ng misis ko -- naalala niya daw yung movie na "Richie Rich". Akala daw ng mga magnanakaw ay valuable ang makikita nila ang vault ng pamilya ay nagulat sila. Oo, valuable sa mag-anak pero junk para dun sa mga magnanakaw. Nagulat sila na mga bagay na may sentimental values ang nandoon. Parang sa home sweet home namin, mas malulungkot pa kami kung yung mga simple things na may kabuluhan ang natangay. Yun nga lang, mahalaga pa rin sa amin yung ibang alahas dahil yun ang ginamit ng labs ko sa kasal namin.

Sa mga magnanakaw na balang-araw ay tatamaan ng karma multiplied to the highest level, isang namamagang middle finger para sa inyo at malakas na "Ha Ha Ha!".

Friday, January 15, 2010

Uminom Ka Nalang ng Lason

View Comments


Noong una pa lang akong magtrabaho, ginulat na ako ng mga "taong lason". Sa napakabatang edad ko noon, magdadalawang-isip ka nang ipagpatuloy pa ang pagtatrabaho kapag narinig mo ang mga pang "Believe It or Not" na "Amazing Stories" ng mga taong kamukha ng bungong poison label ng cyanide.

Iba't ibang klase ang mga lason - parang yung ginagamit sa lethal injection: may pampakalma,may pampatulog, at yung ikamamatay mo. Ganun din ang mga mahilig mang-brainwash dahil kanya-kanya silang level.

Naaalala ko yung una akong magtrabaho sa Pilipinas. Fresh grad ako noon at may mga 'di ganun ka-professional na agad lumapit sa akin. Sabi nila, pangit daw ang palakad ng kumpanya kaya sayang daw ako; wala daw nagtatagal. Anim na taon na akong 'di nanalo sa raffle ng mga Christmas parties pero nandun pa rin sila. Nakapagresign na ako pero patuloy silang tumatanda sa pinanggalingan ko.

Dito sa Saudi, 'di na ako nagulat sa mga ganung uri ng lason. Sila lang yung mga taong nag-iisip na baka malampasan sila balang-araw kaya gusto nilang umalis ang mga baguhan. Parang yung isang episode ng "House" kung saan na-brainwash ni Cut-Throat Bitch yung mga kasama niyang nag-aapply kay Dr. House. Napauwi niya yung mga tanga at naiwan siya.

Another type of lason ay yung mga taong mahilig magmalaki at gumawa ng istorya. Iba ito sa mga taong mayayabang dahil kahit wala na silang iuubra sa kausap nila ay mas magaling pa rin sila. Mabuti pa ang mayabang dahil mayroon silang ipagyayabang. Kadalasan, kahit 'di mo tanungin, lalasunin ka nila para magmukha silang superior. Lintek yung nakausap ko minsan - ipakita ba naman lahat ng magagandang picture ng babae. Mga siyota niya daw. Umoo nalang ako para matigil na siya sa kakadakdak. Maniniwala ka ba naman kung pangit yung kausap mo?!

Tuwing papalapit na ang sahod, may mga lason pa rin. Nandiyan yung mga taong sasabihin na meron na raw sa atm pero wala pa naman. Kapag na-delay naman ng mga tatlong araw ang suweldo, sumulpot ang mga poison ivy na magbabalitang magsasara na ang kumpanya dahil wala ng pera.

Pagdating naman sa trabaho, marami ang kups talaga. 'Di daw kakayanin, mahirap matapos. Ang daming dahilan. Hindi sila reklamador, mga pang-asar lang talaga. Sagutin mo ng "Huwag na natin tapusin ang project para malugi ang kumpanya at umuwi tayong lahat...". Kinabukasan pagpunta mo sa site, ang laki ng improvement o kaya ay tapos na ang dapat tapusin.

Ilang buwan pa lang ako dito pero napag-aralan ko na ng kaunti ang mga kasama namin sa trabaho. Pinag-iingatan ko ang mga taong nagmamarunong at mga taong nagtatanga-tangahan. Sila ang mga class A na lason. Kung sa Dragonball Z, sila ang mga super sayans!

Ang tanong ko lang: malalason kaya ang mga taong lason kapag uminom ng lason?

Sunday, January 10, 2010

Katas ng Saudi

View Comments


Kaya pala hinahanap ng bandang Hotdog ang mga nagliliparang jeepneys...

Kaya pala ang classified ads tuwing Linggo sa Pinas ay puno ng "must know have to drive" ang mga openings sa Saudi...

Kaya pala only in the Pilipins lang ang sasakyan nating pampasahero...

Jeepney - isang tunay na tatak Pinoy. Kung merong "Statue of Liberty" ang pinapangarap mong state side, meron naman tayong technicolored stainless jeeps. Dito tayo kilala next to Pacquiao, "balut" at "Imelda's shoe collection". Kahit nga si Robin Williams, napanood ko dati sa "Star Talk" ng "TV Patrol", paborito yung jeepney die-cast model galing sa asawa niyang Pinay.

Hanggang ngayon, 'di pa rin accepted ang salitang "jeepney". Mas acceptable sa Microsoft Word ang salitang "jeep" na hango sa "General Purpose Vehicles" na ginamit noong World War II. "G.P." Vehicles ang more popular term nito. Peksman, Batman. Matapos ang WWII, naiwan sa mga Pinoy ang mga ginamit na GP's sa giyera. At dahil gusto nating mapasakay lahat ng kababayan, rinetoke ito at tinawag na "jeepney".

Dito sa Saudi, alam mo kaagad na Pinoy ang driver ng trailer truck dahil sa mga palatandaan. Sa likuran ay may nakasulat na "Manila With Love", habang sa windshield naman ay may "Mabuhay" na sticker. Bigla mong maaalala ang mga nakalagay din sa likuran ng mga jeepney sa atin, sa bandang hagdan: "Katas ng Saudi" - understood na kaagad ang ibig sabihin. Sa loob naman ay hindi mawawala ang "God Knows, Hudas Not Pay", patama sa mga mahilig mag-1-2-3. Kung nagbabayad ka naman ay dapat mong sundin ang "Barya Lang Po Sa Umaga" kung ayaw mong mamura ni manong na bagong gising.

Kahit na sabihin mang mamahalin lahat ng sasakyan dito, at kahit na ginagawang taxi lang ang "Camry", wala nang mas gagara pa sa makulay na katawan ng mga dyip natin. 'Di na kayang talbugan ng anumang sasakyan ang pinausong design ng Sarao Motors.

Mahigpit dito sa desert dahil kahit na walang pulis, dapat mong sundin ang speed limit. May radar na nagmamanman sa bilis mo. Eh paano kaya kung mga jeepney natin ang humaharurot sa highway dito? Siguradong huli parati dahil 'di naman gumagana ang mga palamuting speedometer.

Kapag papasok na papuntang opisina o site, busina lang ng bus ang senyales na aalis na. Wala ditong mga "barker" na tulad ng nasa terminal ng San Juan..."Isa nalang...lalakad na.", "Nay, ibabayad ba yung bata?", kahit maghapon mong panoorin ay parang 'di napapagod at nauubusan ng laway.

Habang nasa biyahe, naka-on na ang mp3 player ko. Wala naman kasing sounds sa bus namin. Hindi tulad ng mga "patok" na jeepneys natin. Yung boom da bass ang hanep na bumabayo. Yung tipong 'di ka maririnig ng nagmamaneho at kasama niyang sidekick kapag pumapara ka. Yung makikipag-away ka na dahil lumagpas ka na sa bababaan mo.

Talagang maaalala mo bigla ang mga pumapasadang jeepney sa kalsada natin sa Pilipinas. Lalo na kung makakarinig ka sa bansang pinuntahan mo ng "beep beep beep beep!"

Thursday, January 7, 2010

Kuwentong-Barbero

View Comments

Noong nag-aaral pa ako sa Uste, bad trip na tinanong ako ng professor ko nang pumasok ako sa klase na "skinhead" ang gupit.

Atty. Engr. De Alban: Mr. Quitiquit, ang daming taong nakakalbo na gustong magkabuhok. Ikaw na may buhok, nagpapakalbo! Bakit?!
Ako: Eh sir, ayaw akong papasukin sa gate dahil sa long hair ko!
Mga Klasmeyts: Acheche...

Siyet, parang eksena sa Bulagaan. Simpleng isyu sa buhok, pinapalaki!
Sabi nga ng Weedd sa kanta nila, "Ano'ng paki mo sa long hair ko?". Hindi naman natin masisisi ang bawa't isa dahil ito na ang nakalakihan nating mga Pinoy pagdating sa pagpapagupit.

"Bagong tasa ha.", "Uy, sino ang gumupit sa'yo?Buhay pa ba?", ang madalas na maririnig natin kapag bagong gupit tayo.

Kahit na nandito na ako sa Saudi, ganun pa rin ang batian ng mga kabayan everytime na may bagong gupit. Kaya nga kapag may kabayan na bumati sa ibang lahi na bagong tasa, nahihiwagaan sila. Kung marunong lang sila mag-Tagalog, malamang ay kinanta na nila ang "Long Hair".

Ang nakakamiss sa lahat ay ang pagpapagupit ko sa mga barberya sa atin. Mas kampante pa rin ako sa mga suki kong barbero na sila Dante at Jerry. Dito kasi sa Rabigh, KSA, wala akong mahanap na Pinoy na manggugupit. Mayroon kaming kasama sa villa na marunong maggupit kaso nakakahiya naman dahil ayaw magpabayad. Kaya naman kahit na "semi-kalbo" lang ang gupit ko, nag-alangan pa rin ako noong first time ko magpagupit dito.

Tatlo ang barber shops na magkakalapit sa bayan. Yun nga lang, walang ibang barbero kundi mga Pakistano at Indiano. Parang suicide, napilit na rin ako ng mga kasama ko na magpagupit doon sa suki nila. "Puwede" na rin daw para sa ten riyals. Sa Jeddah daw, maraming Pinoy barbers pero twenty riyals ang bayad. Kapag na-tempt ka nanamang mag-convert into pesos, parang nagpunta ka na sa Bench Fix Salon!

"Maganda hapon. Gupit, pare?", sa dami ng tropa natin dito ay marunong na rin mag-Tagalog ang mga ibang lahi.

Wow, pagpasok mo pa lang ay iba na ang amoy kumpara sa atin. Amoy shawarma. Nakakahilo. Kapag minamalas ka ay next in line ka pa. Wala ka namang mabasang diyaryo dahil 'di mo maintindihan ang nakasulat. Hay, nakaka-miss ang mga tabloids na nakalatag sa waiting area ng Samantha's Barbers. Abante, People's, Tempo, Tik-Tik, at Remate.

Kapag pinaupo ka na sa barber chair, ito na ang dilemma mo. Kapag first timer at 'di ka pa kilala, mahabang paliwanagan sa kung ano ang style ng gupit dahil hirap kayong magkaintindihan. Buti nalang sa gupit ko, sasabihin mo lang ang size ng razor dahil medyo alam na nila ang term na "semi-kalbo".

Naaalala ko tuloy si Dante kapag nagpapagupit ako. Hindi na ako tatanungin n'un sa style. Mas uusisain niya pa kung kailan uli magbabakasyon ang seaman kong utol na si Pot. Paulit-ulit yun. Walang mintis. Parang may naka-program siyang opening line sa bawat customer.

Habang ginugupitan ako ng ibang lahi, walang imikan. Seryoso ako sa pagtingin sa ginagawa niya dahil baka magkamali siya. Hindi tulad ni Dante na yung mga kuwentong-barbero niya ang pinagkakaabalahan namin. Wala akong kaba sa kamay niya kahit na 'di na nakatingin sa ginagawa niya. At may exhibition pa, nakikipagkuwentuhan pa siya sa kasama niyang barbero kapag nakita niyang hindi ako interesado sa mga boladas niya.

Halos pareho ang style ng pagtabas ng buhok sa atin at dito sa Saudi. Ang pinagkaiba lang, wala yung lalagyan ng pulbos ang buhok mo para i-check kung pantay na. 'Yun ang "only in the Philippines"!

May medyo kakaiba sa labaha na ginagamit dito. Bago nila ipang-ahit sa ulo mo ay bubugahan nila ng parang pabango o alcohol tapos sisindihan ng lighter para lumiyab. 'Di naman idi-diretso kaagad sa ulo mo dahil babasain muna nila ng water sprayer. Ewan ko lang kung ano ang gusto nilang iparating.

Kung hindi semi-kal ang gupit ko, libre din ako sa blower. Wala nga lang silang alcohol o hair tonic na ipapahid sa gilid na inahit.

May libre ring masahe dito pero hindi kasing-sarap ng ginagawa ng mga suki ko sa Pinas. Wala yung papatunugin ang leeg mo. Wala yung papatunugin ang mga lamig sa likod mo. Dito ay simpleng lamutak lang sa anit ng ulo mo!

Buti nalang ay hindi nawala ang pinaka-obvious na palatandaan kapag nagpagupit ka... Ang pulbos sa gilid ng ulo!

~ NO BENTA

Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker