Kaya pala hinahanap ng bandang Hotdog ang mga nagliliparang jeepneys...
Kaya pala ang classified ads tuwing Linggo sa Pinas ay puno ng "must know have to drive" ang mga openings sa Saudi...
Kaya pala only in the Pilipins lang ang sasakyan nating pampasahero...
Jeepney - isang tunay na tatak Pinoy. Kung merong "Statue of Liberty" ang pinapangarap mong state side, meron naman tayong technicolored stainless jeeps. Dito tayo kilala next to Pacquiao, "balut" at "Imelda's shoe collection". Kahit nga si Robin Williams, napanood ko dati sa "Star Talk" ng "TV Patrol", paborito yung jeepney die-cast model galing sa asawa niyang Pinay.
Hanggang ngayon, 'di pa rin accepted ang salitang "jeepney". Mas acceptable sa Microsoft Word ang salitang "jeep" na hango sa "General Purpose Vehicles" na ginamit noong World War II. "G.P." Vehicles ang more popular term nito. Peksman, Batman. Matapos ang WWII, naiwan sa mga Pinoy ang mga ginamit na GP's sa giyera. At dahil gusto nating mapasakay lahat ng kababayan, rinetoke ito at tinawag na "jeepney".
Dito sa Saudi, alam mo kaagad na Pinoy ang driver ng trailer truck dahil sa mga palatandaan. Sa likuran ay may nakasulat na "Manila With Love", habang sa windshield naman ay may "Mabuhay" na sticker. Bigla mong maaalala ang mga nakalagay din sa likuran ng mga jeepney sa atin, sa bandang hagdan: "Katas ng Saudi" - understood na kaagad ang ibig sabihin. Sa loob naman ay hindi mawawala ang "God Knows, Hudas Not Pay", patama sa mga mahilig mag-1-2-3. Kung nagbabayad ka naman ay dapat mong sundin ang "Barya Lang Po Sa Umaga" kung ayaw mong mamura ni manong na bagong gising.
Kahit na sabihin mang mamahalin lahat ng sasakyan dito, at kahit na ginagawang taxi lang ang "Camry", wala nang mas gagara pa sa makulay na katawan ng mga dyip natin. 'Di na kayang talbugan ng anumang sasakyan ang pinausong design ng Sarao Motors.
Mahigpit dito sa desert dahil kahit na walang pulis, dapat mong sundin ang speed limit. May radar na nagmamanman sa bilis mo. Eh paano kaya kung mga jeepney natin ang humaharurot sa highway dito? Siguradong huli parati dahil 'di naman gumagana ang mga palamuting speedometer.
Kapag papasok na papuntang opisina o site, busina lang ng bus ang senyales na aalis na. Wala ditong mga "barker" na tulad ng nasa terminal ng San Juan..."Isa nalang...lalakad na.", "Nay, ibabayad ba yung bata?", kahit maghapon mong panoorin ay parang 'di napapagod at nauubusan ng laway.
Habang nasa biyahe, naka-on na ang mp3 player ko. Wala naman kasing sounds sa bus namin. Hindi tulad ng mga "patok" na jeepneys natin. Yung boom da bass ang hanep na bumabayo. Yung tipong 'di ka maririnig ng nagmamaneho at kasama niyang sidekick kapag pumapara ka. Yung makikipag-away ka na dahil lumagpas ka na sa bababaan mo.
Talagang maaalala mo bigla ang mga pumapasadang jeepney sa kalsada natin sa Pilipinas. Lalo na kung makakarinig ka sa bansang pinuntahan mo ng "beep beep beep beep!"
~ NO BENTA