Thursday, January 7, 2010

Kuwentong-Barbero

Noong nag-aaral pa ako sa Uste, bad trip na tinanong ako ng professor ko nang pumasok ako sa klase na "skinhead" ang gupit.

Atty. Engr. De Alban: Mr. Quitiquit, ang daming taong nakakalbo na gustong magkabuhok. Ikaw na may buhok, nagpapakalbo! Bakit?!
Ako: Eh sir, ayaw akong papasukin sa gate dahil sa long hair ko!
Mga Klasmeyts: Acheche...

Siyet, parang eksena sa Bulagaan. Simpleng isyu sa buhok, pinapalaki!
Sabi nga ng Weedd sa kanta nila, "Ano'ng paki mo sa long hair ko?". Hindi naman natin masisisi ang bawa't isa dahil ito na ang nakalakihan nating mga Pinoy pagdating sa pagpapagupit.

"Bagong tasa ha.", "Uy, sino ang gumupit sa'yo?Buhay pa ba?", ang madalas na maririnig natin kapag bagong gupit tayo.

Kahit na nandito na ako sa Saudi, ganun pa rin ang batian ng mga kabayan everytime na may bagong gupit. Kaya nga kapag may kabayan na bumati sa ibang lahi na bagong tasa, nahihiwagaan sila. Kung marunong lang sila mag-Tagalog, malamang ay kinanta na nila ang "Long Hair".

Ang nakakamiss sa lahat ay ang pagpapagupit ko sa mga barberya sa atin. Mas kampante pa rin ako sa mga suki kong barbero na sila Dante at Jerry. Dito kasi sa Rabigh, KSA, wala akong mahanap na Pinoy na manggugupit. Mayroon kaming kasama sa villa na marunong maggupit kaso nakakahiya naman dahil ayaw magpabayad. Kaya naman kahit na "semi-kalbo" lang ang gupit ko, nag-alangan pa rin ako noong first time ko magpagupit dito.

Tatlo ang barber shops na magkakalapit sa bayan. Yun nga lang, walang ibang barbero kundi mga Pakistano at Indiano. Parang suicide, napilit na rin ako ng mga kasama ko na magpagupit doon sa suki nila. "Puwede" na rin daw para sa ten riyals. Sa Jeddah daw, maraming Pinoy barbers pero twenty riyals ang bayad. Kapag na-tempt ka nanamang mag-convert into pesos, parang nagpunta ka na sa Bench Fix Salon!

"Maganda hapon. Gupit, pare?", sa dami ng tropa natin dito ay marunong na rin mag-Tagalog ang mga ibang lahi.

Wow, pagpasok mo pa lang ay iba na ang amoy kumpara sa atin. Amoy shawarma. Nakakahilo. Kapag minamalas ka ay next in line ka pa. Wala ka namang mabasang diyaryo dahil 'di mo maintindihan ang nakasulat. Hay, nakaka-miss ang mga tabloids na nakalatag sa waiting area ng Samantha's Barbers. Abante, People's, Tempo, Tik-Tik, at Remate.

Kapag pinaupo ka na sa barber chair, ito na ang dilemma mo. Kapag first timer at 'di ka pa kilala, mahabang paliwanagan sa kung ano ang style ng gupit dahil hirap kayong magkaintindihan. Buti nalang sa gupit ko, sasabihin mo lang ang size ng razor dahil medyo alam na nila ang term na "semi-kalbo".

Naaalala ko tuloy si Dante kapag nagpapagupit ako. Hindi na ako tatanungin n'un sa style. Mas uusisain niya pa kung kailan uli magbabakasyon ang seaman kong utol na si Pot. Paulit-ulit yun. Walang mintis. Parang may naka-program siyang opening line sa bawat customer.

Habang ginugupitan ako ng ibang lahi, walang imikan. Seryoso ako sa pagtingin sa ginagawa niya dahil baka magkamali siya. Hindi tulad ni Dante na yung mga kuwentong-barbero niya ang pinagkakaabalahan namin. Wala akong kaba sa kamay niya kahit na 'di na nakatingin sa ginagawa niya. At may exhibition pa, nakikipagkuwentuhan pa siya sa kasama niyang barbero kapag nakita niyang hindi ako interesado sa mga boladas niya.

Halos pareho ang style ng pagtabas ng buhok sa atin at dito sa Saudi. Ang pinagkaiba lang, wala yung lalagyan ng pulbos ang buhok mo para i-check kung pantay na. 'Yun ang "only in the Philippines"!

May medyo kakaiba sa labaha na ginagamit dito. Bago nila ipang-ahit sa ulo mo ay bubugahan nila ng parang pabango o alcohol tapos sisindihan ng lighter para lumiyab. 'Di naman idi-diretso kaagad sa ulo mo dahil babasain muna nila ng water sprayer. Ewan ko lang kung ano ang gusto nilang iparating.

Kung hindi semi-kal ang gupit ko, libre din ako sa blower. Wala nga lang silang alcohol o hair tonic na ipapahid sa gilid na inahit.

May libre ring masahe dito pero hindi kasing-sarap ng ginagawa ng mga suki ko sa Pinas. Wala yung papatunugin ang leeg mo. Wala yung papatunugin ang mga lamig sa likod mo. Dito ay simpleng lamutak lang sa anit ng ulo mo!

Buti nalang ay hindi nawala ang pinaka-obvious na palatandaan kapag nagpagupit ka... Ang pulbos sa gilid ng ulo!

~ NO BENTA

blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker