Monday, July 19, 2010

Tahanan ng mga OFWs

 ang mga inspirasyon ko sa pagiging isang OFW

Bilog ang Mundo at saan ka man magpunta ay may mga Pilipino. Ang nakilala nating daigdig ay itinuring na nating isang malaking Pilipinas.

Kung tatanungin mo ang isang kababayan kung paano siya naligaw sa bansang kanyang pinuntahan kapalit ng Pinas ay sasagutin ka niya malamang ng "Para sa pamilya." na walang halong pag-aalinlangan. Hindi ka na magugulat sa ganito dahil likas naman sa atin ang pagiging "family-oriented". Nasa pre-school pa lang ay itinuro na sa atin na ang isang bahay ay nagiging tahanan lamang kung ang mag-anak na binubuo ng tatay, nanay, mga anak, lolo, lola, ni muning, at ni bantay ay lubos na nagmamahalan.

Kung ang definition ng lahat ng eskuwelahan ay  ganito, ang ibig sabihin din ba ay hindi qualified ang lahat ng OFWs magkaroon ng isang matatag at masayang tahanan dahil kulang silang pamilya?

Noong bata pa ako ay inggit na inggit ako sa mga barkada, mga klasymeyts, at kamag-anak ko na may mga magulang na nagtatrabaho sa abroad dahil parang lahat ng luho ay nakukuha nila - ang laki ng bahay, may magarang kotse, may malaking teevee na may satellite dish, maraming laruan, at ang sarap ng mga pagkain. Gustung-gusto kong tumatambay sa kanila dahil doon lang ako nakakaranas ng mga ganung bagay na sobrang maluho. 

Marami akong barkadang ganito ang antas ng pamumuhay at saksi ako sa kanilang mga karangyaan. Biruin mo, isang tawag lang sa kanilang mga expat na mommy o daddy ay may pera kaagad na pambili ng gusto nila! Ang kaibahan nga lang, may halong pagmamahal ang mga bagay na natatanggap ko sa galing kina ermats at erpats. Sa kanila kasi, parang wala naman silang pakialam - basta't makapagpadala lang ay okay na. Parang naging isang walang kuwentang responsibilidad nalang ang monthly remittance. Ang sa amin naman kasi ay naramdaman  namin kung paano pinaghihirapan bago maibigay ang mga hinihiling.

Mukha lang silang masaya sa mga natatanggap nila kahit na hindi naman talaga. Karamihan sa mga barkada kong ganito ay broken family, maagang nabuntis, naging adik, at mga rebelde. Oo, lagi silang updated sa lahat ng bagay pero wala namang mga gumagabay sa kanila ng tama parang maging tunay na updated (sa values). Hindi ko sinasabing lahat ng pamilya ng mg OFWs ay ganito pero ito ang katotohanan na lumalamon sa ating lipunan. 'Yung mga pang-MMK at mga dramang pampelikula, sumasalamin ang mga iyon sa inaayawang bangungot ng bawat manggagawa sa ibang bansa.

Kailanman ay 'di sumagi sa isip ko na mangibang-bayan. Idealistic at matatag ako sa prinsipyong kung gusto mong makatulong sa Pilipinas, manatili ka sa kanyang pag-aaruga at huwag manilbihan sa kamay ng mga dayuhan. Bukod pa sa ganitong pananaw ay 'di ko kayang mahiwalay sa aking mga mahal sa buhay. Nabanggit ko na sa aking entry na "The Calling" na nabago ang lahat ng aking pananaw nang biyayaan kami ni Bro ng Wonder Twins. Mahirap isisi lahat sa gobyerno ang paglisan ng mga pinoy papuntang Saudi o san mang lupalop ng mundo kung talagang naghihirap ang ekonomiya ng bansa.Talagang isang napakahirap na option ang lumayo nalang papuntang ibang bansa para kumita. Last resort o minsan pa nga ay first kung no choice ka na talaga.

Nang makatanggap ako ng job order galing sa aming agency ay hindi ko ito kaagad napirmahan dahil sa likod ng magandang kikitain ay nakapila naman ang tanong na "paano na ang pamilya kong maiiwanan?" Ilang buwan pa lang kaming nagsasama ni misis at limang buwan ang aming kambal sa kanyang sinapupunan nang magdesisyon kaming magtrabaho ako dito sa buhanginan ng mga bado. Sa pag-alis ko sa ating bayan ay dala ko ang mga katanungang "sino ang mag-aalaga sa asawa ko habang nagbubuntis?", "sino ang magdadala sa kanya kapag nanganak?", "makikilala kaya ako ng mga anak ko sa pagbalik ko sa Pilipinas?". Natural lang sa isang magulang at asawa ang mag-isip ng kung anu-ano bago umalis lalo na kung mamatagal na mawawala at napakalayo ng destinasyon. Pero sa gitna ng lahat ay baon ko sa aking puso ang hangarin na mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Sila ang nagbibigay inspirasyon kung bakit kinakaya ko ang mabuhay sa lugar na hindi ko naman kinagisnan.

Nagkaroon kami ng sumpaan ni Supernanay na hindi mangyayari sa amin ang buhay ng mga tauhan sa movie ninaVilma Santos at Claudine Barretto. Sisikapin namin na magiging sulit ang sakripisyo namin para sa aming pamilya. Kahit na malayo kami sa isa't isa ay pananatilihin namin ang CONSTANT COMMUNICATION na isa sa mga pinakamabisang paraan para maging in-tact ang samahan. Kahit hindi pa nakakaintindi ang mga anak naming sina Les Paul at Lei Xander ay madalas na pinaparinig sa akin ni misis ang kanilang boses. Ganun na rin ang ginagawa ko para may naririnig silang tatay kahit na sa celphone lang. lagi ring nagkukuwento si misis kung gaano namin sila kamahal at kung bakit kailangan kong lumayo. Sasamahan din namin ng walang humpay na TRUST sa isa't isa upang walang mga temptations. Ang pagkakaroon din ng POSITIVE OUTLOOK IN LIFE ay makakabuti para hindi mag-isip ng masama sa lahat ng panahon. At bukod sa lahat, PRAYERS, PRAYERS, AND EVEN MORE PRAYERS - BECAUSE IT REALLY WORKS. Kung naniniwala kang ang lahat ay planado ni God, maniwala ka rin na lagi Siyang nakikinig sa atin.

Ngayon, tatanungin kita ulit - hindi ba qualified ang lahat ng OFWs magkaroon ng isang matatag at masayang tahanan dahil kulang silang pamilya?

Ang sagot, SUPER QUALIFIED. As long as alam mo ang responsibilidad bilang OFW para sa iyong pamilya at alam din ng mga naiwanan mo ang kanilang responsibilidad sa sakripisyong iniaalay niyo, magiging isang matatag at masayang tahanan ang isang bahay kahit na may kulang. Maaaring wala physically, pero ang pagmamahalan na nakatanim sa puso ng lahat ay patuloy na magbubunga. Ang hangin nga na hindi natin nakikita ay alam nating nakakapagpalamig sa panahon ng tag-init. Si Lord na hindi natin nakikita, alam rin nating nandiyan Siya. Hindi lahat ng bagay na hindi nakikita ay wala.

Sa ikatlong taon ng Pinoy Expats/OFW Blog AwardsPEBA, ang kanilang napiling tema ngayong 2010 ay “Strengthening OFW Families: Stronger Homes for Stronger Nation”. Ito'y napapanahon dahil alam naman nating bumibilis ang pagtaas ng porsiyento ng mga OFWs na may wasak na pamilya. Ang adhikaing ito ay lubos kong sinusuportahan dahil alam ko kung ano ang hirap na dinadanas ng pagiging isang OFW. Bilang isang blogger, naniniwala akong hindi lang isang award-giving body ang PEBA kundi isang samahan na may seryosong programa para sa lahat ng mga Overseas Filipino Workers at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng social media na blogging ay maari nating maiparating ang tunay na kalagayan ng bawat isa. Kung babasahin ng lahat ang mga madrama, masaya, nakakatawa, maseryoso, at kung anu-ano pang entries, hindi malayong isang umaga ay magigising tayo na naiintindihan na ng lahat ang tunay na buhay-abroad.

Wala nang mas mabigat na dahilan sa pagiging OFW kung wasak na ang inyong tahanan. Wala ng silbi ang paghihirap kung wala naman ng pinagsisikapan. Umuwi ka nalang sa Pilipinas para ayusin ang pamilya mo kung ganun ang mangyayari. Ika nga ni Benjamin Disreali, "NO SUCCESS IN PUBLIC LIFE CAN COMPENSATE FOR FAILURE IN THE HOME".


Kung nagustuhan mo ang entry, inaanyayahan kitang iboto ito sa 2010 Pinoy Expats/OFW Blog Awards. Maraming Salamat Po!


Similar stories from my other sites supporting PEBA's theme:

Dekada, Pamilya, at ang OFW
The Fruits of Love: Dedicated to all the Children of OFWs





blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker