nakakatakam na meryenda
Last Tuesday ay tinakam ako ng kuwento ni Roanne na may taytol na "Kantunan Tayo! Tara?". Tungkol ito sa lugar malapit sa school nila kung saan puwede kang magpaluto ng instant pancit canton. Naranasan ko na ring makapunta sa mga karinderya sa u-belt na ganito ang style. Ang medyo na-curious ako sa entry ni Roanne ay nang sabihin niyang may bagong craze daw ng pagse-serve ng nalutong canton - WITH MAYONNAISE!!
What the F?!! Nakatikim na ako ng pancit bihon na hinaluan ng ketchup at hamburger na may Mang Tomas pero never pumasok sa isip ko na lagyan ng mayo ang paborito kong LMPC!! Naikuwento ko na dati sa entry kong "Pakanton Ka" kung gaano ako kaadik sa Lucky Me! Pancit Canton. Kahit nandito na ako sa Saudi ay madalas ko itong hanap-hanapin.
Dahil dayoff ko ngayong Biyernes ay naisipan kong mag-experiment sa meryenda ko based sa nabasa ko kay Prodigal Daughter. Wala namang mahirap sa experiment na ito. Ganun pa rin naman ang pagluto ng LMPC. Nagpakulo rin ako ng isang itlog para medyo mas masarap ang lamon. Muntikan na sanang maging "Picture Perfect" ang mga photos dito tulad kapag nagpapakodak ako sa mga sasakyan na hindi naman akin. 'Yun nga lang, basag ang itlog ko kaya hindi maganda ang finished product! On the side, may tinapay rin para talagang busog. Lastly, kumuha na ako ng dalawang dakot ng kutsara ng mayonaise na natira pa sa ginawang dinakdakan noong bertdey ko last July 19.
Matapos ang pagpicture ng ebidins para sa entry na ito ay itinabi ko na muna ang celphone ko para namnamin na ang panibagong makakain.
Ummmmm......masarap siya. Paksyet, 'di ako nagbibiro. Mahilig kasi ako sa carbonara. Parang ganun 'yung nalasahan ko. Mahirap lang talagang ma-imagine kung paano pagsasamahin ang mayo at pancit kanton pero I DARE YOU to try it. Masarap talaga. Within ten seconds naubos ko nga parang mani 'yung meryenda ko eh. Mauulit ito. Sarap!
Salamat Roanne sa bago kong natutunan sa kantunan!