Saturday, July 10, 2010

Ang Ninang Kong Sikat

credits to PEP for this photo

Dahil nalalapit na nga ang aking beerdey, gusto ko lang i-share sa inyo ang ninang kong sikat. Kitams,sa title palang ng entry ko ay naenggoyo na kitang magbasa. I'm pretty sure din na bigla kang napa-click papunta dito nang makita mo ang pamatay na pektyur ng ninang kong si MATUTINA!!



 para sa mga hindi kilala si Ninang Matut....

Aaminin ko na, isa akong inaanak ng mga famous (noon) na mga celebrities. Bukod kay ninang "Matut" ay ninang ko rin si Evelyn Loreto na may mga natatanging roles sa mga pelikulang "Pahiram ng Isang Umaga", "Babangon Ako't Dudurugin Kita", at "Nagsimula sa Puso". Ninong ko rin si Cesar Dimaculangan na may mga ginampanan din sa mga movies na  "Himala" at  "Galawgaw". Okay, hindi ganun kasikat sa teevee at pelikula sina ninang at ninong maliban kay Matu dahil lahat sila ay mas maputok ang pangalan sa larangan ng radio broadcasting. Naging mga godparents ko sila dahil sa aking Tita Tess na isa ring radio personality noong panahon niya.


Mahirap maging isang inaanak ng famous celebrities dahil pati ikaw ay naisasama sa kanilang kasikatan. Tandang-tanda ko pa noong supot totoy pa ako ay madalas akong ibida ng mga kalaro ko sa ibang mga nakakalaro namin. "Alam niyo bang ninang ni Jay si Matutina?!!", sabay magtatawanan sila ng malakas na parang kinikiliti ng durian ang kanilang mga wetpaks. Tapos tutuksuhin nila na panget daw ang ninang ko kaya madalas akong umuuwing luhaan galing sa paglalaro. Nagagalit ako sa ermats at erpat ko kung bakit ginawa pa nilang ninang ko ang komedyanteng "boses kiki". Nilamon ng ganitong sitwasyon ang ilang taon ng aking pagkabata. Ayokong pinag-uusapan ang tungkol sa mga artista kapag nasa oras ng paglalaro dahil sa akin bumabagsak ang pang-aasar in the end.

Nasanay na ako sa ganun hanggang dumating sa point na hindi na ako naaasar. Nagkaroon na rin ng time (noong nasa grade four yata ako) na seryoso na ang pagtatanong sa akin ng mga kausap ko kung ninang ko nga talaga ang pinay celebrity na sumikat sa pagiging katulong ni Doña Delilah na monster mother-in-law ni John Puruntong sa isa sa pinakamatagal na sitcom sa history ng Pilipinas, ang "John en Marsha". Kung dati ay hiya ang nadarama ko, napalitan ito ng feeling ng pagiging proud tuwing may nakakausap akong interesadong tao sa aking ninang.

Hinanap ko ang aking baptismal certificate para kumpirmahin kung ninang ko nga talaga ang tsimay icon. Medyo kinabahan ako dahil wala namang pangalan na Matutina sa dokumentong nakita ko! Baka nabuhay lang ako sa isang kasinungalingan na may ninang akong artista?! Tinanong ko kaagad sila ermats at noon ko lang nalaman na ang tunay pa lang pangalan ni ninang  ay Evelyn Bontogon-Guerrero.

Proud talaga ako sa kanya at sa iba ko pang celebrity godparents. Sobrang proud ko sa kanila ay ginamit ko ang mga pangalan nila nang minsang makita ko si Kuya Germs sa Greenhills at nagpilit akong kunin niya ako bilang isa sa kanyang mga talents! (Read the other story HERE)

Nang mawala ang ang John en Marsha, akala ng iba ay nagtapos na rin ang career ng ninang ko. Sorry sila pero hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa rin ang kanyang boses hindi lamang sa radyo maging sa teevee na rin. Early 90's pa lang ay isa na siya sa mga pioneers ng mga dubbers ng mga telenovelas tulad ng "Simplemente Maria" na kaback-to-back dati ng Marimar sa channel 9. Sa ngayon, busy pa rin siya sa pagiging director and supervisor ng dubbing ng mga anime' na ginagawang tagalog sa Channel 2. Kung natatandaan niyo ang Tagalog version ng Akazukin Cha Cha, si Matut ang boses ni Principal Urara.

Huli kong nakausap si ninang noong dumalaw siya sa burol ng lolo ko last year. Sa tagal ng panahong 'di kami nagkita ay natural lang na nagulat siya nang makausap niya ako. Bukod sa artistahin daw ako tulad niya, natutuwa daw siyang isa na akong engineer! Try ko raw mag-artista dahil kung siya ay kinaya niya, malamang kaya ko rin daw! Alam ko namang nagbibiro lang siya nang sinabi niya iyon sa akin dahil joker masyado si ninang. Makita ko pa lang ang mukha niya ay natatawa na ako. Kaya nga hindi na ako nagulat nang makasama siya sa listahang ito:



Top 10 of the Philippine's Pinakanakakaaliw na Komedyante

01. Chichay
02. Aruray
03. Angge
04. Dely Atay-atayan
05. Matutina
06. Matimtiman Cruz
07. Pokwang
08. Menggay
09. Tiya Pusit
10. Nova Villa

Kayo, may sikat ba kayong ninang?


P.S.

Thanks to UNNIE YU, POLDO, DRAKE, and ROBBIE na nagpadala na ng picture greeting para sa aking birthday sa July 19.








blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker