Thursday, July 29, 2010

Umuwi na Tayo

masarap palang titigan ang e-ticket dahil ramdam mo na ang pag-uwi!!






Kaninang umaga ay nakita ko na ang passport ko sa opisina! Yes, hindi na ito isang photocopy kundi ang totoo na! Tanda na itong malapit na akong umuwi ng Pilipinas para magbakasyon!!
Nakita ko na rin ang monthly memo ng listahan ng mga magbabakasyon kaya mas na-excite ako siyempre. Mga thirty minutes ko rin itong paulit-ulit na binasa habang naluluha-luha! Tutulo na sana ang luha ko kung hindi pa inagaw sa akin ng tea boy ang memo para maikabit sa bulletin board.

Ang bilis ng panahon dahil parang kailan lang ay nasa airport ako ng NAIA at ngayon naman ay malapit nang bumalik sa mahal kong Pilipinas. Talagang napakabilis ng isang taon kung hindi mo ito papansinin. Tingnan mo nga ang blog kong NoBenta, malapit na rin ang anniversary. Dati ay walang katao-tao doon pero nakakatuwa dahil sa loob ng one year ay marami akong naging kaibigan. Hindi ko namalayan na isang taon na rin pala akong nagsusulat ng mga walang kakuwenta-kuwentang mga entries tulad nitong binabasa mo.




Pagdating ko pa lang dito sa Saudi last year ay gusto ko na kaagad umuwi matapos ang isang araw. Parang hindi ko kakayanin kako - ang dami kasing adjustments bukod pa sa pag-iisip pa sa mga loved ones mo. Ilang beses akong nagtangkang magpa-book ng ticket online kaso kapag nakikita ko na ang babayaran plus ang imumulta ko sa agency at sa kumpanya, umuurong ang betlog ko. Siyempre kaya nga ako nagpunta dito sa buhanginan dahil para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mag-iina ko. Kung uuwi ako kaagad eh baka pulutin nalang kami sa kangkungan!

Dati ay ineekisan ko ang kalendaryo ko. Bawat nagdaraang araw ay may katumbas na "x". Pinayuhan ako ng iba na huwag gawin 'yun dahil mas tatagal ang paghihintay. Sinunod ko ang payo at heto na ako ngayon, ilang tulog nalang ay tutubuan na ng pakpak para makalipad na sa Pinas!

Pero bakit ganun? Kung kailan malapit na ay parang ang tagal-tagal namang dumating ang araw na pinakahihintay ko! Siguro dahil ito sa excitement talaga. Ang feeling na ito ay kapareho ng feeling ko kapag natatae. Habang papalapit sa banyo ay lalong gustong kumawala ng sama ng loob pero ang feeling mo ay napakalayo pa rin ng inidoro kahit ilang hakbang nalang!

Umuwi na tayo dahil wala ng sense ang ating mundo.....





blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker