Ang original concept ng blog site na ito ay mag-invite ng mga fellow OFW's para magkuwento ng mga experiences sa iba't ibang panig ng mundo. Marami akong kinukulit at nakulit na para mag-share kaso isa pa lang ang nag-accept, si Wandering Potter na dati kong kasamahan sa pinapasukan ko sa Pilipinas. Pero mukhang busy na rin ngayon si Loy kaya 'di na nakakapagsulat.
Anyweys, 'di yung pangungulit ko ang topic dito. Nabanggit ko lang ang kaibigan ko kasi siya ang nagsabi sa'kin dati na dapat huwag puro masaya ang ikuwento namin para hindi maisip ng mga magbabasa (kung meron man) na masarap magtrabaho sa ibang bansa.
Tama si Loy, KASALANAN NATING MGA OFW kung bakit ang tingin sa atin ng mga nasa Pinas ay napakaraming pera. Magbukas ka ng Friendster o Facebook ng isang Inuutong Bayani, bubulaga sayo ang mga photos na talaga namang kakainggitan - nakapost as profile pic ang kuha na katabi ang isang magarang kotse kahit na 'di naman sa kanya. Siyempre, iisipin ng marami na astig ang service mo dahil mga managers lang ang meron nito sa Pinas. Kahit na mabuking dahil 'di naman marunong mag-drive, tinatalo pa rin ang pag-pose para may pang FB. Isusumbong ko kayo kay Bonggang-Bonggang Bong-Bong!
Yung iba naman ay pino-post pati ang katakawan. Lahat ng kinakainan ay naka-update agad sa photo album. Dito ay guilty ako. Eh ano ba, masarap kaya kumain. Pinapainggit ko talaga yung mga da best at murang pagkain!
Ang trip naman ng iba ay ipagmalaki yung mga pamamasyal sa mall, sa hotel, sa resort, sa Disney, at kung saan-saan pang nakakapukaw sa mga mata ng mga makakakita. Kahit na nalibre ka lang doon dahil sa teambuilding ng kumpanya niyo, iibahin mo pa yung caption para 'di halatang 'di ka gumastos!
Kung iisipin mo, siyempre puro masasaya ang ilalagay mong pics sa mga social networks mo dahil magmumukha ka namang tanga kung maglalagay ka doon ng umiiyak ka at nahihirapan. Ayaw rin naman nating mag-alala ang mga kamag-anak at pamilya natin sa kalagayan natin sa malayong lugar. Nata-tats ako kapag napapanood ko yung commercial ng "OFW Diaries" sa GMA Pinoy TV. Yung part na sinabi ng host na "Ayaw nilang makita ng kanilang pamilya na naghihirap sila sa ibang bansa...".
Kaya naman nagmumukha tayong mayaman. Superficial kung tutuusin.
Kung pinanindigan mong ganun ka nga talaga, sana ay huwag ka nang magulat kung 'pag nagbakasyon ka ng March ay may mga staff ng NAIA na babati ng "Merry Christmas Sir!" habang nakalabas ang palad at nakangiting-aso!