May mga pros and cons ang pagtatrabaho sa ibang bansa. May masarap at may mahirap.”Kasama sa kontrata”, laging sinasabi nating mga OFW’s. Ilang buwan pa lang ako dito sa Saudi pero miss ko na masyado ang mga wala dito sa kingdom.
Asawa. Anak. Magulang. Kapatid. In-Laws. Kamag-anak. Kaibigan.
Tokwa’t baboy, sizzling sisig, crispy pata, sinigang na baboy, inihaw na liempo, lechon at lechon kawali. Balut at penoy. Chicharong balat, chicharong balat na may laman, chicharong bituka, chicharong bulaklak. May fishball, squidball, at kikiam dito sa Rabigh kaso mas masarap pa rin ‘yung maruming sauce ni manong na nagtitinda doon sa Magallanes extension. Betamax, adidas, IUD, helmet, chicken ass, balat – sarap ng ihaw-ihaw na linulublob sa hepa suka na puno ng sibuyas at sili! Kwek-kwek, tukneneng, abnoy – mga itlog na binalutan ng orange na breading. Mamang sorbetero. Manong mani. Manong kasuy. Eat-all-you-can goto sa Cubao. Bulaluhan na umaapaw sa taba at utak. Tapsilog, tosilog, dangsilog, malingsilog, hotsilog at iba pang specialty ng Joey’s Eatery sa Murphy, Cubao.
Jollibee. Sisig Hooray. Yoshinoya. Hong Kong Style Noodles. Zagu. Quickly. Amici. Chef D’Angelo’s. Golden Buddha.
Ang Sabado nights kaharap ang pulang kabayo (RHB), SMB, SML, lola (Gran Matador), Emperaning, GSM Blue, GSM Bilog, at GSM kuwatro kantos.
Mga tambay sa kanto. Inuman ng mga sunog-baga sa daan. Mga batang naglalaro sa kalye. Mga kalyeng puno ng tae ng aso. Mga eskinitang amoy tae ng pusa. Mga gitaristang kabataan sa tapat ng tindahan. Ingay ng videoke mula sa ikatlong block. Tsismosa, palingkera, bungangera na may brand ng bunganga ni Crispy Permin. Mga rambol at suntukan sa kabilang barrio. Mga bahay na nare-raid dahil sa shabu.
Pila sa tricycle terminal ng C5 Waterfun. Pila ng jeep sa Waltermart Makati pauwi ng bahay. Bus sa EDSA na walang kasing-gulang. Mga taxi na namimili ng pasahero. Pang-blockbuster na pila ng MRT at yung mga nagtatakbuhang pasahero nila papuntang exit kapag huminto na ang tren.
Channels 4, 5, 9, 11, 13, 21, 23, 29. “Wow Mali”. “Reunions”.” Ang Pinaka”. “Quickfire”. Bangayan ng “Ang Dating Daan” at “Tamang Daan”
Market! Market! Boni Highstreet. Serendra at ang lahat ng mga sosi na tindahan doon lalo na ang Fully-Booked. Ali Mall, Greenhills, Megamall na may Powerbooks at Cyberzone, Shangri-La, Robinson’s Galleria, at Glorietta. Isama mo na rin ang Guadalupe Shopping Complex , Starmall, Farmer’s Plaza, at EDSA Central na puno ng mga tiangge.
Internet packages ng PLDT, Bayantel, Sky, Smart, Globe, at Sun na ang singilan ay per hour at hindi per kilobyte.
Kung ganyan kasarap sa Pilipinas, aalis ka pa ba at magpupunta sa ibang bansa?
Tara.