Uulitin ko ang title, ang buhay natin ay TAE, yup, isang TRIAL AND ERROR.
Noong magtapos ako ng elementary sa Camp Crame na isang public school, pinatay ko ang daga ko sa dibdib at sinubukang sumabak sa St. John’s Academy na isang private school sa San Juan para mag-highschool. Kahit na laki ako sa hirap at halos lahat ng estudyante doon ay “English spokening”, naging maayos ang Highschool Life ko sa pinagmamalaki kong alma mater. Bukod sa ka-batch ko si Bernard Palanca na naging sikat kahit papaano sa mundo ng mga artista, utang ng loob ko lang naman sa iskul namin ang correct grammar pagdating sa English. Buti nalang at nagtiyaga ang mga teachers ko noon na unatin ang baluktot kong dila!
Sa College, sinubukan kong mag-exam sa UST para sa course na engineering. Electronics and Communication ang choice ko kaso bagsak kaya napunta ako sa mundo ng hollow blocks, bakal, at semento – Civil Engineering ang ipinilit ng registrar para sa grade na nakuha ko. Error! Masarap pala sa kolehiyo. Malaya ka kung ano ang gusto mong gawin. Sa sobrang laya, buhay ko’y napariwara. Error nanaman!! Sa UST ako nag-aral pero sa University of Manila ako nagtapos. Ang malufet, kinuha ko ang engineering ng anim na taon. Pero kahit na papaano, wala akong pagsisisihan sa TAE na ginawa ko sa buhay ko noon. May mga maikukuwento pa rin ako sa mga kainuman, anak, at magiging apo ko.
Sa Board Exams review, isang mabuting TAE ang pinalabas ko mula sa tumbong. Walang alak, walang yosi, walang TV, walang ibang bisyo. Ayun nabaliw ako. San ka pa, isang take ko lang ang lintek na PRC Exams na iyan. Hindi tulad ng mga gago at mayayabang kong classmates na hanggang ngayon ay ‘di pa rin pumapasa.
Unang work ko, TAE pa rin ang pinairal ko. Hindi ko nagamit ang lisensiya ko sa pagiging inhinyero dahil sa kamunduhan ng mga inidoro ako napadpad. Toilet bowl ang pinupuntahan lahat ng TAE! Parang isang tubol, sinikap kong patigasin ang TAE ko ng halos pitong taon. May magandang nangyari. May masaya. May malungkot. Lahat ng TAE ko sa Hocheng Philippines Corporation o HCG ay ang nagpalawak pa sa nalalaman ko.
Nang ikasal na kami ng asawa ko, Trial and Error (ayoko ng TAE kasi ‘di naman kami mabaho) pa rin. Ilang buwan kaming naghintay para makabuo. At sa sobrang Trial and Error, nabuo ang WONDER TWINS!!
Panibagong hamon sa buhay kaya nag-decide kami na TAE ulit ang gamitin. Dahil sa TAE, napadpad ako dito sa Saudi. Ngayon, hindi ko pa alam kung ERROR ba ang makakamtan ko dito o ‘yung sinisigaw na “SUCCESS!” kapag lumalabas ng banyo.