Nang umalis ako ng Pinas papuntang Saudi, binaunan ako ng isang dosenang brief, isang dosenang pares ng medyas, at isang dosenang panyo at face towel. Alam kasi ni misis na medyo tamad ako kapag paglalaba na ang usapan. Sa ganitong paraan, may magagamit ako kung sakaling 'di ako makapaglaba.
Tuwing Biyernes ang schedule ko sa paglalaba - sakto sa OT ng karamihan kaya maiksi lang ang pila. Buti nalang at automatic na washing machine ang gamit dito sa villa namin. Hindi mo na kailangang magkusot, magbanlaw, at magpiga. Ilalagay mo lang madudumi mong damit, budburan ng Tide, takpan, at maghintay ng forty-five minutes.
Masarap dito sa Saudi, ang daling magpatuyo ng damit. Huwag ka na gumamit ng downy dahil nawawala rin ang amoy nito sa tinding init ng araw. Huwag mo ring papalagpasin ng isang oras ang pagpapatuyo kung ayaw mong mag-amoy-araw ang mga damit mo. Siguraduhin mo ring nakasipit ang mga linabhan mo kung ayaw mong mapunta ito sa kabilang roof top dahil sa lakas ng hangin. Hindi mo kailangang mag-alala sa ulan. Ang dapat mong tingnan ay ang pabugsu-bugsong pagdaan ng sandstorm!