Noong una pa lang akong magtrabaho, ginulat na ako ng mga "taong lason". Sa napakabatang edad ko noon, magdadalawang-isip ka nang ipagpatuloy pa ang pagtatrabaho kapag narinig mo ang mga pang "Believe It or Not" na "Amazing Stories" ng mga taong kamukha ng bungong poison label ng cyanide.
Iba't ibang klase ang mga lason - parang yung ginagamit sa lethal injection: may pampakalma,may pampatulog, at yung ikamamatay mo. Ganun din ang mga mahilig mang-brainwash dahil kanya-kanya silang level.
Naaalala ko yung una akong magtrabaho sa Pilipinas. Fresh grad ako noon at may mga 'di ganun ka-professional na agad lumapit sa akin. Sabi nila, pangit daw ang palakad ng kumpanya kaya sayang daw ako; wala daw nagtatagal. Anim na taon na akong 'di nanalo sa raffle ng mga Christmas parties pero nandun pa rin sila. Nakapagresign na ako pero patuloy silang tumatanda sa pinanggalingan ko.
Dito sa Saudi, 'di na ako nagulat sa mga ganung uri ng lason. Sila lang yung mga taong nag-iisip na baka malampasan sila balang-araw kaya gusto nilang umalis ang mga baguhan. Parang yung isang episode ng "House" kung saan na-brainwash ni Cut-Throat Bitch yung mga kasama niyang nag-aapply kay Dr. House. Napauwi niya yung mga tanga at naiwan siya.
Another type of lason ay yung mga taong mahilig magmalaki at gumawa ng istorya. Iba ito sa mga taong mayayabang dahil kahit wala na silang iuubra sa kausap nila ay mas magaling pa rin sila. Mabuti pa ang mayabang dahil mayroon silang ipagyayabang. Kadalasan, kahit 'di mo tanungin, lalasunin ka nila para magmukha silang superior. Lintek yung nakausap ko minsan - ipakita ba naman lahat ng magagandang picture ng babae. Mga siyota niya daw. Umoo nalang ako para matigil na siya sa kakadakdak. Maniniwala ka ba naman kung pangit yung kausap mo?!
Tuwing papalapit na ang sahod, may mga lason pa rin. Nandiyan yung mga taong sasabihin na meron na raw sa atm pero wala pa naman. Kapag na-delay naman ng mga tatlong araw ang suweldo, sumulpot ang mga poison ivy na magbabalitang magsasara na ang kumpanya dahil wala ng pera.
Pagdating naman sa trabaho, marami ang kups talaga. 'Di daw kakayanin, mahirap matapos. Ang daming dahilan. Hindi sila reklamador, mga pang-asar lang talaga. Sagutin mo ng "Huwag na natin tapusin ang project para malugi ang kumpanya at umuwi tayong lahat...". Kinabukasan pagpunta mo sa site, ang laki ng improvement o kaya ay tapos na ang dapat tapusin.
Ilang buwan pa lang ako dito pero napag-aralan ko na ng kaunti ang mga kasama namin sa trabaho. Pinag-iingatan ko ang mga taong nagmamarunong at mga taong nagtatanga-tangahan. Sila ang mga class A na lason. Kung sa Dragonball Z, sila ang mga super sayans!
Ang tanong ko lang: malalason kaya ang mga taong lason kapag uminom ng lason?