Tuesday, June 1, 2010

Pahabol sa Summer


June na...pasukan na naman ng mga bata. Kasama rin dito ang mga matatandang gustong manatiling bata para walang problema sa pagraket ng pera! Yup, tapos na ang summer sa Pilipinas pero dito sa Saudi ay parang walang hangganan. Paano ba naman, napakatindi magpasikat ng araw at lagi pang overtime kung magpahinga. Ang init dito ay nasa forty hanggang forty-five degrees - puwede kang magprito ng itlog sa hood ng sasakyan mong nabilad lang ng ilang minuto. Ang sunset naman dito ay past seven na ng gabi kaya maliwanag pa rin na akala mo ay ala-singko pa rin ng hapon.


Bilang pahabol sa summer ay ipinagmamalaki ko ang mga pictures sa itaas. Hindi 'yan sa Yanbu Beach / Red Sea at hindi rin ako kasama sa mga 'yan. Taga-kuwento lang ako na sobrang nainggit kaya dinaan nalang sa pagsusulat. Last May 29 to 30 ay  nag-outing ang mga in-laws ko (after fourteen long years) sa La Luz Beach Resort sa Laiya, Batangas. Hindi ko pa napupuntahan ito kaya nag-browse nalang ako papunta sa kanilang website. Heto ang bumungad sa akin:

"I still believe in paradise, but now at least I know it is not some
place that you can look for because it is not where you go..

It's how you feel for a moment in your life when you are a part

of something. And if you find that moment, it lasts forever" 
~ The Bitch Beach

Napanood ko ang movie na ito ng kamukha kong si pareng Leo Da Vinci na isa rin sa mga peyborit  movies ko. Maganda nga siguro sa pupuntahan nila dahil maganda ang homepage ng resort. Konting browse pa ulit, punta naman sa accomodations page. Hmmm, mukhang ayos naman ang rooms. Sana ay maayos ang kubeta nila dahil 'yun ang pinakatinitingnan ko sa lahat ng rooms sa resort (mahilig kasi ako tumae). Medyo sosi pala dito dahil bawal magbaon ng pagkain parang sa Enchanted Kingdom at iba pang sikat na theme parks. Medyo may kalayuan at kamahalan pero mas pipiliin ko na 'yung ganito kaysa maligo sa dinarayo naming Rikitoy Beach sa Cavite.

Ang mga ganitong instances ang talagang nagpapaisip sa akin kung tama ba na nag-abroad ako. Sana nandoon din ako at kasama silang nagsasaya. Ang dami ko nang na-miss sa buhay may-asawa - wala ako noong nagbubuntis at nanganak ang asawa ko, wala ako noong first wedding anniversary namin, wala ako noong unang ngumiti ang Wonder Twins, wala ako noong.....tama na nga ang emo mode. Wala naman na magagawa ang mga OFW's sa mga ganitong pagkakataon kundi ang bumawi sa kanila sa pag-uwi para magbakasyon. Tanging kasiyahan nalang ng mga katulad ko habang malayo sa pamilya ay makatanggap ng text messages, emails, pictures, at videos.

Back to happy mode. First time ng aming mga cute na chikitings na mag-out-of-town. Sabi ni misis ay 'di naman naging bugnutin ang kambal noong nagba-biyahe sila papuntang Batangas. Meron kasing ibang bata na nakakatuliling ang pag-iyak kapag nagbabiyahe at 'yun ang pinakaayoko sa mga babies na sinanay na maging ganun ng kanilang mga erpats at ermats. Buti nalang at mana sa'min sina Les Paul at Lei Xander.

Sa beach naman daw ay sobrang nag-enjoy ang mga bata. Binilhan sila ng salbabida na mukhang kotse at doon sila sumakay para ma-enjoy ang dagat. Nakakatuwa sila sa pictures. Ang popogi at ang ku-cute! Napagkamalan pa nga silang anak ng foreigner ng mga uzi's doon (naks!). Eh kanino pa ba naman magmamana sila (ehem..)? Eh 'di siyempre (oo na!) sa kanilang Supernanay! Ano kaya ang reaction nila kambal sa tubig? Sayang at na-miss ko ang kodak moments!

Hay buhay-Saudi. Malungkot. Nagiging masaya lang kapag nakikita ko sa mga ipinapadala photos na nakangiti ang pamilya! Babawi nalang ako sa August. At kung sino man ang magaling diyan sa Photoshop, sana ay may mag-magandang-loob na i-edit ang mga pictures namin!




blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker