Thursday, June 10, 2010

Sino'ng Bespren Mo Doon?


Kung ang laging kasama ni Kevin Arnolds sa "Wonder Years" ay si Paul Pfeiffer, ang kasama naman ni Bart Simpson ay si Milhouse Van Houten. Kung si Malcolm (in the Middle) ay may bespren na si Stevie, si Butt-Head naman ay may Beavis

Ganun yata talaga ang buhay -  hindi puwedeng nag-iisa ka lang. Mapa-lecheserye, pelikula, cartoons, sa libro, o sa totoong buhay, ang pagkakaroon ng isang pinaka-close na kaibigan ay isang bagay na hindi mawawala. 

Sabi nila, ang best friend daw ay iisa lang pero sa case ko, napakadami dahil friendly (daw) ako! Best friend ko ang nag-iisa kong labs (at Supernanay ng aming kambal)sa aming samahan bilang mag-asawa. Bestfriend ko si Pot bilang utol ko. Best friend ko naman si Bhobot noong mga uhugin pa lang kaming naglalaro sa lansangan  ng Mangoville. Best friend ko si Danilo na classmate ko noong elementary. Best friend ko rin si Che, classmate ko sa uste noong college at kumare ko na ngayon sa kanyang panganay.

At siyempre, 'di mawawala sa listahan si GELINE LOPEZ na itinuturing kong "best friend for all seasons". 

Una sa lahat, hindi po siya babae. Kaya ganyan ang pangalan niya ay sa kadahilanang Evangeline ang name ng ermats niya. At kung medyo matalino ka ay huwag mo nang itanong kung meron siyang kapatid na ang pangalan ay Evan. Bibigyan kita ng clue na ang mga pangalan ng dalawa niya pang kapatid ay Domin at Ador. Ang galing ng parents nila 'di ba?! Si bespren ang bunso sa apat na lalaki ng pamilya Lopez.

Hindi ko alam kung bakit naging paborito kong kasama si Geline. Hindi naman siya bully at hindi naman ako nerd tulad ng mga characters na nabanggit ko sa itaas. Madalas na balanse ang combinations ng mga mag-bespren sa napapanood pero sa case namin ay pareho kami ng ugali at trip sa buhay.

Una kong nakilala si Geline noong nag-krus ang aming landas sa tambayan sa Mangoville. Pinapanood niya ako noon habang ginigitara ko ang leads ng "Sikat na si Pedro" ng Philippine Violators. Bigla nalang niyan akong sinabihan ng "Mali naman 'yung kapa mo sa leads". Ibinato ko sa mukha niya 'yung gitara (exaggerated lang parang news report ng siete at dos) at sinigawan siyang ipakita niya sa akin 'yung tamang tipa. Nagulat ako dahil kahit na medyo tabachoy siya eh mukhang tama nga ang tunog ng ginawa niya! At doon nagsimula ang aming pagiging magkaibigan.

Ang dami naming mga maliligayang araw na pinagsamahan. Marami rin namang hindi pero blog ko ito kay 'yung mga medyo kuwela nalang ang ikukuwento ko.

Isa sa mga 'di ko makakalimutang kalokohan namin ay ang pagtambay sa 7eleven. Paborito naming tambayan 'yun kapag nagpupunta sa esem para mag-tingin-tingin at magpahangin. Basta dapat ay may thirty pesos ka sa bulsa - twenty para sa regular hotdog at medium size slurpee, at 'yung tira ay para 'di ka  naman maglakad sa EDSA pauwi. Alam natin na hindi refillable ang juice at slurpee sa convenience store na 'yun. Eh kabataan pa kami noon kaya napakasarap ng bawal. Kahit na magtae pa kami! Minsan ay nahuli ako ng crew na nag-refill. Todo deny ako pero talagang pinuno ko naman. Tatawagin na 'yung guard. Naisip ko kaagad kung ano na ang magiging itsura ko sa picture habang may hawak ako ng karatula na "Huwag niyo akong tularan". Buti nalang at may extra money si bespren at hindi nabahiran ang police at NBI clearance ko!

Minsang tumugtog kami sa Club Dredd sa EDSA ay nakipag-slamman kami sa ibang metal na tropa. Biglang lumapit 'yung isa at tinanong ako kung okay lang daw ba kay Geline na natatamaan ang kanyang boobs. Paksyet, akala niya ay 'di man boobs 'yun at tomboy si Geline! Dahil doon ay naging desidido kaming magbabarkada na tulungan siyang pumayat at magkaroon ng muscles. Tuwing umaga ay sinasamahan namin siyang mag-jogging  sa grandstand ng Crame. Success ito dahil timba-timbang pawis ang naiipon namin pag-uwi. Ang siste nga lang, napakasarap ng almusal namin pagkatapos mag-exercise - special goto na kumpleto sa tuwalya at bituka ng baka!

Noong nagbinata na si Geline ay ako ang palagi niyang isinasama sa pagpunta sa una niyang niligawan. Minsan ay humihingal siyang pumunta sa amin para sabihan lang ako na bumili ng original pirated CD ng live album ng Freestyle. Paborito daw kasi 'yun ng nililigawan niya. Kinabukasan ay bumili ako at mabilis kaming pumunta sa bahay ni K. Ibibigay na sana niya 'yung fresh CD from Recto nang makita namin na may orig na copy sa tabi ng karaoke! 

Ang dami ko pa sanang kuwento pero magmumukha naman akong best man sa kasal.

Basta ang masasabi ko lang ay miss ko na rin kahit papaano ang bespren ko. Kahit 'di siya nagpaparamdam! Okay lang dahil alam kong busy na rin siya sa pagiging mabuting tatay at mapagmahal na asawa.

BOROKOY, HAPPY BEERDAY!! 

I-reserve mo sa akin ang isang case ng San Mig at inumin natin sa bakasyon ko!





blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker