Kapag ganitong summer ay likas na sa ating mga Pinoy ang mag-swimming. Dahil nga isang archipelago ang Pinas ay napapaligiran tayo ng mga anyong-tubig. Nakagawian na nating mag-outing para mapigilan ang pagpapawis ng ating mga singit dahil sa sobrang init!
Noong totoy pa ako ay paborito ko ang buwan ng March. Bukod sa bakasyon na ay celebration din ng birthday ng pinsan kong si Bambie tuwing akinse. Bilang regalo sa kanya ng kanyang daddy ay nagpupunta kami sa RIKITOY BEACH sa Cavite. Isipin niyo nalang kung gaano kaganda doon sa pangalan pa lang! Kahit na ilang beses na kaming na-dikya at nakakita ng mga lumulutang na tae ay masaya kaming bumabalik-balik doon. Nagsisilbing family reunion namin iyon sa mother's side tuwing summer. Ang sarap ng experience na iyon dahil sagana sa hotdog barbecue, ang daming pagkain, at hindi sila nauubusan ng alak (pero 'di pa ako tomador that time). Natapos lang ang trip na ganoon nang medyo na-realize na namin na contaminated na ang tubig at makati na sa balat. Siyempre, nag-dalaga na si insan kaya hindi na cool sa kanya ang celebration na ganun.
Kapag wala namang family gatherings ay inaaya kami ng erpats ko sa Manila Bay. Oy, malinis pa noon ang tabi ng Baywalk. Wala pang karatula na bawal maligo doon dahil hindi safe sa kalusugan. Pumupunta lang naman kami dito para makatipid dahil walang entrance fee. Tuwing weekends, napakaraming tao dito kaya ang hirap mag-park ng sasakyan. Tanda ko pa noon na kahit isang balot lang ng tasty bread na may palamang egg salad at panulak na Sunny Orange juice ay masaya na kami nila utol Pot at Jeff. Simpleng tao na simple lang ang kasiyahan (naks!). Doon kami banda sa CCP Complex naliligo dahil doon ang mukhang medyo malinis. Dahil totoy pa kami nila utol at maliliit pa ang mga pututoy noon ay 'di kami nahihiyang maligo ng naka-brief lang na mala-bacon ang garter! 'Yung iba ngang mga batang-grasa doon ay talagang nakahubad, feeling nila ay nasa nude beach sila. Adventure talaga kapag naliligo kami dito dahil ilang beses na kaming nasugatan sa mabatong gilid na punung-puno ng mga ipis-dagat! Wala na ring banlaw-banlaw ng katawan, pag-uwi nalang ng bahay! Tuwang-tuwa naman si ermats pagdating namin dahil may mga natuyo nang asin sa mga buhok at damit namin!
Malapit kami sa Camp Crame - isang ligaw na bala lang ang layo nito sa amin kapag may kudeta. Sa loob ng kampo ay may dalawang malalaking swimming pools. 'Yung isa ay malapit sa morge kaya hindi kami naliligo doon. Hanggang ngayon kasi ay naniniwala kami na nahahaluan ng pormalin 'yung tubig sa Pool. Kaya doon kami sa Kiangan nagpupunta, yung malapit sa simbahan. Feeling naman namin ay Holy Water ang pinampupuno nila dito. Kaso mahigpit dito dahil may condition bago makalublob sa pool - NO COTTON SHORTS ALLOWED. Eh wala akong swimming trunks kaya pinagta-tiyagaan ko nalang ang pinapaarkilahan ni manang ng kinse pesos maghapon. Bahala na kung sino ang huling gumamit basta makalangoy lang. Lintek sa dami ng mga batang kampo ang naliligo doon, parang hindi bababa sa singkuwenta kapag weekends. Hindi ko na nga maalala kung ilang basong ihi ang nainom ko doon kapag pinagti-tripan akong ihagis sa tubig. Kapag medyo gutom ka naman ay sisid ka lang dahil makakakita ka ng kanin sa tiles sa ilalim! Medyo matalas din dapat ang mata mo sa mga lumulutang sa plema at sipon. Kahit na medyo kulay lumot na ang tubig ay wala kaming pakialam dahil enjoy naman kami sa pagtatampisaw. Kaya nga nagkaroon ako ang an-an dati sa mukha, sa likod, at sa leeg hanggang grade five. Ang isa ko namang kabarkada ay nagkaroon ng buni. Samantalang ang iba naman ay nagkaroon ng hadhad. Every summer weekends, dito kami napapadpad sa awa ni Bro.
Kapag walang-wala naman na talaga ay nangingisda nalang kami ng tropa sa kabilang kanto. Merong isang napakalawak na creek malapit sa amin at isa itong buhay na tubig dahil maraming isdang-kanal doon! Parang gold fish ang mga nahuhuli namin dahil may iba't ibang kulay din sila. Nakakatakot nga lang manghuli doon dahil hindi mo alam kung saan ang malalim at hindi dahil sa dami ng basura! Muntikan na ngang malunod ang isa naming kaaama doon, ulo nalang ang nakita namin sa kanya nang lamunin siya ng burak. Buti nalang at nasagip aiya ng tropa. Pingot lang naman ni nanay ang aabutin ko kapag nalaman niyang lumusong ako uli sa kanal ng tae!
Masarap talaga magbalik-tanaw sa mga pinapaliguan mo noong kabataan. Wala kang iniisip na problema basta makaligo lang. Tulad ko, kahit na hindi ako marunong lumangoy ay hindi ko iniintindi ang pagkalunod. Kailangan lang ng konting lublob para hindi ma-heat stroke!