Hindi ako mahilig sa alahas. Alam ito na ng mga taong nakakakilala sa akin. Mas pipiliin ko pa ang bumili at magsuot ng ng mga kuwintas at dalang-dalang (bracelet) na yari sa beads, leather, o iba pang native materials. Mapagsusuoot mo lang talaga ako nito kapag kailangan lang tulad ng mga social gatherings na medyo pormal ang dating. Ito siguro ang dahilan kaya hindi ako naging hip-hopper – hindi kasi ako mahilig sa bling-bling.
Noong kinasal na kami ni misis ay may isang alahas akong sinimulang pakaingatan. Actually, hindi ko ito itinuring na alahas dahil hindi naman ito isang luho na binili para lang pang-kolorete. Noong mga unang linggo pagkatapos naming ikasal ay ilang beses ko itong nakalimutang suotinkapag papasok na ng trbaho. Kailangan ko pa talagang balikan sa bahay kahit na nakasakay na ako ng jeep o tricycle dahil feeling ko ay hindi kumpleto ang pagkatao ko kapag hindi nakasuksok dito ang palasingsingan ko. Natatawa ako sa misis ko kapag sinasabihan niya ako na baka hindi ko daw sinusuoot ang wedding ring namin kapag nakikipag-usap ako sa mga kliyente. Hindi niya lang alam na proud na proud ako sa singsing namin.
Kahit ngayong nandito na ako sa Saudi ay ‘di ko kinakalimutang suotin ang simbolo ng pagiging isa namin.
Minsang nanonood ako kami ng “Family Feud” sa PinoyTV ay naitanong kung ano ang palatandaan na ang isang lalaki ay may asawa na. Siyempre, simple kong isinigaw kay Dingdong Dantes na “wedding ring!”. At tumpak ako dahil ito ang top answer sa isandaang katao na tinanong sa survey.
Minsan namang breaktime namin ay napagkuwentuhan naming magkakasama ang tungkol sa wedding ring. May nagtanong sa isa kong kasamahan kung bakit hindi na niya sinusuot ang singsing nilang mag-asawa (medyo napuna ko na ito dati sa iba pero hindi ko naman na pakialam ‘yun para tanungin pa!). Ang sagot ng kasamahan namin ay “siyempre, single tayo kapag wala sa Pinas...eh bakit ikaw, nasa kaliwa ang singsing mo?!”. Nagtalo sila sa kung saan nga ba isinusuot ang wedding ring, kung sa kanan nga ba o sa kaliwa? Sumingit ako at sinabing sa kanan dapat ang singsing dahil ito ang pagkakaalam kong tama rin. Sabi ko, kaya nga may term na “nangangaliwa” dahil sa kanan ang tama. Sabay napahinto ang lahat... tapos na pala ang coffee break.
Sa totoo lang wala naman talagang tama o mali kung saan dapat inilalagay ang wedding ring. Depende nalang sa kulturang pinaniniwalaan mo. Kung ibabase natin sa Roman at Biblical customs, kanan ang pipiliin mo. Kung pagbabasehan naman ang mga Latin traditions, ang left sa salita nila ay “sinister” habang ang right naman ay “dexter”. Kaya ang pagsuot sa kaliwang kamay para sa kanila ay may negative na implication. Kung naniniwala ka naman sa “vena amoris” o “vein of love” ay isusuot niyo ang singsing sa kaliwang kamay sa paniniwalang may ugat na nasa ring finger papunta sa puso. Sa ngayon, mas maraming nagsusuot sa right hand dahil majority ng tao sa mundo ay kananete.
Hindi kami ng labs ko ang bumili ng wedding rings namin. Regalo ito ng bestfriend niyang si Jescyl. Tandang-tanda ko pa nooong binulungan niya ako na huwag nang isipin ito dahil sila na ni Louie ang bibili sa Bahrain kung saan sila parehong naka-base. Sabi nila ay suwerte ‘yun. Pasalamat talaga kami sa kanila.
Mahalaga ang sinisimbolo ng “band” sa isang couple. Naaalala ko tuloy ‘yung nagpakasal sila Homer at Marge Simpson. Dahil broke sila noong time ng kasal ay onion rings nalang ang ginamit nila. Nakakatawa pero ang daming mag-asawang wala nito na gustong magkaroon. Tapos may mga mag-asawa namang meron nito na hindi naman isinusuot! ‘Di nila naiisip na sila lang ang puwedeng gumamit nito dahil mismong sukat nila ang mga ito. Customized, may pangalan at date pa nila. Kaya nga kahit gaano kamahal ay hindi ito tinatanggap sa sanglaan!
Natatandaan ko ang sabi ng pari na ang mga singsing na hugis bilog ay sumisimbolo sa eternity. Walang katapusan na pagmamahalan ng dalawang nilalang. Hindi ito mabubuwag nino man kung inyong pangangalagaan. Kapag tinitingnan ko ang singsing ko ay pinapaalalahanan ako na may mabuti akong asawa at mga anak na nagmamahal. Ito ang nagpapatatag sa akin dito sa desiyerto. Wala nang iba.
Keep in mind, mga repapips, “Being bandless is never an innocent choice”.