Friday, April 30, 2010

Bolahan

Kapag may mga Pinoy, imposibleng walang basketball court. Ang Pilipinas ay isang malaking arena - 'di na iba sa atin ang makakita ng ring sa bakanteng lote, sa kuwarto, sa banyo, sa sementeryo, sa ilalim ng tulay, sa government office at sa gitna ng kalsada. Sayang nga lang at hindi ako naging isang basketbolista (basahin mo ang kuwento ko dito).

Siyempre kapag may court at mga kabayan ay siguradong may liga. Kahapon ay sumama akong manood ng laro ng kasama naming si Kuya Rolland na isa sa mga players ng "Seventh Element" team. Ang liga na ito ay hindi inter-company kundi katuwaan lang ng mga marunong mag-dribble at mag-shoot. Kahit na hindi ako naglalaro nito ay nag-eenjoy rin naman ako sa panonood nito lalo na kapag may kakilala o team akong sinusuportahan. Kung hindi niyo naitatanong ay naging part ako ng UST Yellow Jackets - yup, isa ako sa mga taga-sigaw ng cheer para sa UST Glowing Goldies sa UAAP (basahin mo rin ang kuwento ko tungkol dito).

Nakakatuwa sa lugar na iyon dahil para lang akong nasa Piliinas. Siyempre bukod sa dami ng mga kalahi natin na nanonood doon ay talagang makikita mo doon ang kultura nating mga noypi. Sa kabilang side ay may parang karinderya na puwede kang kumain at bumili ng mga ulam na paborito nating kainin sa Pilipinas. Meron ding nagtitinda ng pancit sa kabila at meron din namang nagtitinda ng halo-halo! Kulang nalang ay 'yung tindero ng isaw, adidas, IUD, helmet, at betamax -yummy! Baka nagtatago rin si Manong Balut. Namimiss ko na kasi ang penoy at balut sa puti. Isama mo pa ang Shi-Sharon na may pamatay na burong siling labuyo na nilagyan ng konting suka!

Hindi rin nawawala ang asaran at mga pang-asar na manonood. Naisip ko tuloy, magaling kaya maglaro ang mga malakas mang-asar? Talaga namang mawawala ka sa konsentrasyon mo at dadagain ang dibdib mo kapag nasa mga malakas ang audience impact, ang mga impakto!

Maganda ang laro noong first and second quarter dahil dikit lang ang laban. Salitan sila sa lamang na dos at tres puntos. Magaling din si Kuya Rolland. Actually, siya nga lang ang gumagawa sa team nila. 'Yung ibang players, hindi ko alam kung saan hinugot dahil merong matangkad na "tangkad lang ang asset". Meron namang hindi kalakihan pero napakabilis at napaka-agresibo. Ang malufet ay meron namang parang sumama lang doon para sa jersey! Bwaahahaha.

Half-time. Merong isang remittance group na sponsor ng game. Panoorin niyo nalang ang Youtube upload ko para makita ang hilig nating mga pinoy sa basketbol at give-aways. May premyo kasing bag ang makaka-shoot mula sa rainbow country. Sa dami ng pumila, parang nasa beinte, ay isa lang ang pinalad na shooter.





After ng half-time ay medyo umasim ang laro dahil umarangkada na ang lamang ng kabilang team. Wala kasing katulong si Kuya Rolland sa pagpuntos. Kitang-kita ang effort niya pero kulang ang grupo nila sa teamwork. In the end, panalo ang kalaban. Malas yata ang pagsama namin ng roommate kong si Emerson! Wala naman akong balat sa wetpu. 'Di na namin pinanood ang second game na main event dahil nawalan na kami ng gana.

Pauwi na kami (malapit na sa bahay)  nang tumawag sa celfone ang isa naming kasamahan na naiwan sa court para manood pa. Nanalo ako ng bag sa pa-raffle!! Lintek, sa malas ko sa mga pabunot ay swinerte yata ako. Ang daming  pumila sa shooting noong half-time para magka-bag pero ako ay nanalo ng walng ka-effort-effort. Hinarurot ng Kuya Rodan ang sasakyan pabalik para i-claim ang premyo. Kumaripas ako ng takbo papunta sa remittance group.

"Kunin ko po 'yung premyo kong bag", ang sabi ko kay kuya na ate.

"Anong name mo?", tanong niya.

"Jayson Quitiquit", ang proud kong sagot.

"Ay sorry pero naipamigay na sa iba!", pang-asar niya

Paksyet. Hindi umabot 'yung bilis ng sasakyan namin at habol-hininga kong pagtakbo sa ten counts nilang ginawa noong nabunot ang pangalan ko. 'Di bale, hindi na ako magpapadala ng pera sa kanila kahit hindi naman talaga ako nagpapadala sa kanila. Sayang 'yung picture taking sa pagtanggap ng bag. Wala tuloy akong mailagay na photo kundi iyan.

This entry is brought to you by EASTERN ONION. Yes!!!

blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker