Okay, huwag muna mag-react sa photo ng entry na ito. Hindi ito isang IQ Test, ang tawag diyan ay Cartesian Plane. Hindi kita tatnungin kung paano nasatisfy ang equation na x2 + y2 = 22
Hindi mo kailangan maging “math genius” para maintindihan itong entry ko. Naisip ko lang kaninang umaga ito kaya gusto kong ibahagi sa inyo.
BILOG ANG MUNDO, kaya nga may apat na sulok ito. Maikukumpara natin ang mundo sa Cartesian Plane dahil mayroon itong apat na Quadrant (I, II, III, at IV). Ang First Quadrant ay ang upper right portion at ang mga susunod na quadrants ay naka-order in “counter-clockwise”.
May dalawang coordinates ang Cartesian Plane. Ang “X-Axis o Abscissa” – ito ang horizontal line na magre-represent sa events ng buhay mo. Ang left side ay may value na negative tulad ng kung ikaw ay “mangangaliwa”, samantalang kung papunta ka naman sa kanan o “right way” ay may positive na value. Ang “Y-Axis o Ordinate” naman ang vertical line na magiging representation ng sarili mo. Kung pataas ka ay positive ang value, at siyempre kung pababa ka ay siguradong negative papuntang impiyerno! Ang intersection ng dalawang linya ay tinatawag na “Origin” – ito ang representation ng sarili mo noong wala ka pang alam sa mundo.
Ngayon, balikan natin ang Rules on Integers na nagpasakit ng mga ulo natin noong High School:
Positive x Positive = Positive
Positive + Positive = Positive
Positive x Negative = Negative
Negative x Negative = Positive
Negative x Negative = Positive
Positive + Negative = Positive / Negative (Depends on the Higher Value)
Dahil “refreshed” na ang utak mo ay puwede na nating i-apply sa buhay mo ang mga sumusunod:
FIRST and SECOND QUADRANT [(X,Y), (-X,Y)]: Positive ang Pananaw Mo Sa Buhay: Natural kung positive ang outlook mo sa buhay at “on the right track” ka, positive din ang aanihin mo. Kung may dumating mang negative (trials) sa buhay mo at positive ka pa rin sa pag-iisip, maganda pa rin ang patutunguhan mo (see addition rule above). Kung magpapadala ka naman sa mga negative events at ginamit mo ang multiplication rule, negative na rin ang resulta. Lalo kang madidiin sa mga pagsubok ng buhay mo. Ang masaklap naman sa ibang tao, positive silang nagsimula tapos nawala sa tamang landas; pinili ang “Dark Side of the Force”, kaya nawala rin sa ayos. Mas pinili nilang mamuhay sa maling pamamaraan kaya napunta rin sila sa wala.
THIRD and FOURTH QUADRANT [(-X,-Y), (X,-Y)]: Negative ang Pananaw Mo Sa Buhay: Hindi naman dahil negative ka sa buhay mo ay negative ka na habambuhay. Nasa iyo pa rin ang choice dahil hawak mo ang buhay mo. There’s no such thing as luck. Naaalala ko tuloy ‘yung favorite quote ko na nagpapaalala sa ginagamit na pang-asar nung hacker sa movie na “Under Siege 2” – “CHANCE FAVORS THE PREPARED MINDS”. Kung negative ka na at negative pa ang dumadating sa buhay mo ay puwede ka naming mamili. ‘Pag multiplication rule ang ginamit mo ay positive ang kalalabasan. Paano mangyayari ‘yun? Simple lang, gawin mong strength ang weaknesses mo. Huwag ‘yung kawawa ka na nga eh magbubuhay-kawawa ka pa. Talagang kaawa-awa ka na kapag ganun ang ginawa mo. Kapag addition rule, hinahayaan mo lang na dumagdag ng dumagdag ang mga trials sa buhay mo na hindi mo na nagagawang solusyunan. Kung maganda naman ang dumarating sa buhay mo pero pinapairal mo ang pagiging pessimistic, applicable pareho sa’yo ang addition at multiplication rule – NEGATIVE VALUE ang makukuha mo! Pero kung ginagamit mo ang happiness of life at bawasan ang pagiging negative (addition rule), siguradong mapupunta ka sa first quadrant in no time!
Second time ko na magsulat ng entry tungkol sa Positive Outlook. Ito lang naman kasi ang natatanging SECRET para maging matagumpay sa buhay!