Monday, March 29, 2010

Bakasyon Engrande



First time ko mangibang-bansa kaya sa six months na lumipas mula sa una kong paglapag dito sa Saudi ay excited na akong magbakasyon.

Actually, ang unang assignment ko sa trabaho ko dito ay maging reliever sa magbabakasyon. One month na turnover lang at nagpaalam na ang rinelyebohan ko papuntang Pilipinas. Batid ko ang kasiyahan niya dahil bakas sa kanyang mga mata ito. Tulad ko, napadpad siya sa abroad upang kumayod para sa pamilya. At tulad ko rin, five months na preggy ang asawa niya nang iwanan ang Pilipinas. Napagkuwentuhan namin minsan bago siya umalis kung gaano kasarap yung feeling ng makakauwi ka na at makakarga na ang anak mo. Noong bumalik na siya galing bakasyon ay naikuwento naman niya ang pakiramdam na parang ayaw nang bumalik sa Saudi dahil mas gusto niyang makasama yung mga anak nila.

Buti pa nga siya, pangatlong anak na niya yun. Samantalang ako ay una pa lang. Sa picture at video ko lng nakikita ang Wonder Twins namin.

Ilang beses ko nang pinag-isipan na mag-exit nalang para makauwi na. Pero 'di naman ako tanga para gawin iyon. Bukod sa mahal ang babayaran ko sa kumpanya, baka kung saang kangkungan kami pulutin pag-uwi ko!

Ngayong buwan na ito, napakaraming naka-schedule na magbakasyon. Dahil ito sa summer, sa Semana Santa, at sa graduation ng mga anak. Kapag nakikita ko na ang mga "bakasyonista" na hawak na ang kanilang mga passport, masaya na ako. Nagpapaalala kasi sa akin ito na limang buwan nalang at makakasama ko na ang mga mahal ko sa buhay.

Ano kaya ang mga gagawin namin kapag nagbakasyon ako? Excited na akong makipaglaro sa kambal. Bibo na daw sila at nagre-respond na kapag kinakausap. Mamamasyal kami sa mall at mamimili ng mga gamit nila. Sa Toy Kingdom naman kami mamimili ng mga laruan. Tapos pupunta rin kami sa Ace Water Spa para mag-swimming. Araw-araw ko silang aalagaan kasama ang Supernanay.

Hay, ang sarap ng feeling. Pero ayoko muna masyadong isipin dahil kapag iniisip ko ito ay parang lalong tumatagal ang pagdating ng papalapit na bakasyon ko!

blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker