Likas na sa ating mga Pinoy ang "maghigpit ng sinturon".
Pero kapag sinturong pangkaligtasan o "safety belt" na ang pinag-uusapan, iba na ang dating sa atin. Hindi naman kasi tayo lumaki sa isang bansang pinapahalagahan ang gamit nito. Nagtataka nga ako kasi sa "Sesame Street", itinuturo na kaagad ang "buckle up" sa murang edad. Hindi ko man lang ito nakita sa "Batibot" at kahit sa "Atbp.".
Noong unang sakay ko ng eroplano papunta dito sa Saudi, talagang pinanood ko yung instructional video bago mag-takeoff. Ayoko magaya ang nangyari kay Butt-head sa "Beavis & Butthead Do America".
Naaalala ko tuloy 'yung nahuli kami ni Loy (a.k.a. Wandering Potter) sa Rotonda, Pasay. Eh hindi talaga ako gumagamit ng seatbelt na 'yan. Nagbiyahe kami mula sa HCG galing Cavite. Nakikisabay ako sa kanya tuwing Sabado dahil wala naman akong sasakyan - bukod sa nakakatipid, gustung-gusto kong sumakay sa kanya dahil nagpapalitan kami ng mga trivia at iba pang ideas sa music at iba pang forms of entertainment.
Sa sarap ng kuwentuhan, nakalimutan (o sinadya ko yata dahil lumalaki na 'yung tiyan ko sa kakainom) kong mag-buckle up. Hayun, pagdating sa Pasay, may mga buwayang MMDA na ang naka-spot sa amin. Nung una, akala ko ay kakilala ko yung letsugas na babae na tinuturo ako.
"Jayson, kakilala mo ba 'yun?", tanong ni Loy sa akin.
Pareho nalang kaming nataranta nang ipinatabi 'yung sasakyan niya papunta malapit doon sa kulungan na bus. Hiyang-hiya ako noon dahil bukod sa nakuha na yung lisensya niya, nagbayad pa siya ng dos sengkuwenta!
Simula noon, law-abiding citizen na ako kapag sa tabi ako ng driver uupo.
Subukan mo lang huwag gamitin ang safety belt niyo habang nagda-drive dito sa Saudi. Siguradong wala kayong kaligtasan sa lespu kapag nahuli kayo. Kakayanin niyo ba ang sampung araw na kulong (suwerte mo kong 'di ka ma-puwetan!) at fine na three hundred riyals?!