Friday, April 30, 2010

Bolahan

View Comments

Kapag may mga Pinoy, imposibleng walang basketball court. Ang Pilipinas ay isang malaking arena - 'di na iba sa atin ang makakita ng ring sa bakanteng lote, sa kuwarto, sa banyo, sa sementeryo, sa ilalim ng tulay, sa government office at sa gitna ng kalsada. Sayang nga lang at hindi ako naging isang basketbolista (basahin mo ang kuwento ko dito).

Siyempre kapag may court at mga kabayan ay siguradong may liga. Kahapon ay sumama akong manood ng laro ng kasama naming si Kuya Rolland na isa sa mga players ng "Seventh Element" team. Ang liga na ito ay hindi inter-company kundi katuwaan lang ng mga marunong mag-dribble at mag-shoot. Kahit na hindi ako naglalaro nito ay nag-eenjoy rin naman ako sa panonood nito lalo na kapag may kakilala o team akong sinusuportahan. Kung hindi niyo naitatanong ay naging part ako ng UST Yellow Jackets - yup, isa ako sa mga taga-sigaw ng cheer para sa UST Glowing Goldies sa UAAP (basahin mo rin ang kuwento ko tungkol dito).

Nakakatuwa sa lugar na iyon dahil para lang akong nasa Piliinas. Siyempre bukod sa dami ng mga kalahi natin na nanonood doon ay talagang makikita mo doon ang kultura nating mga noypi. Sa kabilang side ay may parang karinderya na puwede kang kumain at bumili ng mga ulam na paborito nating kainin sa Pilipinas. Meron ding nagtitinda ng pancit sa kabila at meron din namang nagtitinda ng halo-halo! Kulang nalang ay 'yung tindero ng isaw, adidas, IUD, helmet, at betamax -yummy! Baka nagtatago rin si Manong Balut. Namimiss ko na kasi ang penoy at balut sa puti. Isama mo pa ang Shi-Sharon na may pamatay na burong siling labuyo na nilagyan ng konting suka!

Hindi rin nawawala ang asaran at mga pang-asar na manonood. Naisip ko tuloy, magaling kaya maglaro ang mga malakas mang-asar? Talaga namang mawawala ka sa konsentrasyon mo at dadagain ang dibdib mo kapag nasa mga malakas ang audience impact, ang mga impakto!

Maganda ang laro noong first and second quarter dahil dikit lang ang laban. Salitan sila sa lamang na dos at tres puntos. Magaling din si Kuya Rolland. Actually, siya nga lang ang gumagawa sa team nila. 'Yung ibang players, hindi ko alam kung saan hinugot dahil merong matangkad na "tangkad lang ang asset". Meron namang hindi kalakihan pero napakabilis at napaka-agresibo. Ang malufet ay meron namang parang sumama lang doon para sa jersey! Bwaahahaha.

Half-time. Merong isang remittance group na sponsor ng game. Panoorin niyo nalang ang Youtube upload ko para makita ang hilig nating mga pinoy sa basketbol at give-aways. May premyo kasing bag ang makaka-shoot mula sa rainbow country. Sa dami ng pumila, parang nasa beinte, ay isa lang ang pinalad na shooter.





After ng half-time ay medyo umasim ang laro dahil umarangkada na ang lamang ng kabilang team. Wala kasing katulong si Kuya Rolland sa pagpuntos. Kitang-kita ang effort niya pero kulang ang grupo nila sa teamwork. In the end, panalo ang kalaban. Malas yata ang pagsama namin ng roommate kong si Emerson! Wala naman akong balat sa wetpu. 'Di na namin pinanood ang second game na main event dahil nawalan na kami ng gana.

Pauwi na kami (malapit na sa bahay)  nang tumawag sa celfone ang isa naming kasamahan na naiwan sa court para manood pa. Nanalo ako ng bag sa pa-raffle!! Lintek, sa malas ko sa mga pabunot ay swinerte yata ako. Ang daming  pumila sa shooting noong half-time para magka-bag pero ako ay nanalo ng walng ka-effort-effort. Hinarurot ng Kuya Rodan ang sasakyan pabalik para i-claim ang premyo. Kumaripas ako ng takbo papunta sa remittance group.

"Kunin ko po 'yung premyo kong bag", ang sabi ko kay kuya na ate.

"Anong name mo?", tanong niya.

"Jayson Quitiquit", ang proud kong sagot.

"Ay sorry pero naipamigay na sa iba!", pang-asar niya

Paksyet. Hindi umabot 'yung bilis ng sasakyan namin at habol-hininga kong pagtakbo sa ten counts nilang ginawa noong nabunot ang pangalan ko. 'Di bale, hindi na ako magpapadala ng pera sa kanila kahit hindi naman talaga ako nagpapadala sa kanila. Sayang 'yung picture taking sa pagtanggap ng bag. Wala tuloy akong mailagay na photo kundi iyan.

This entry is brought to you by EASTERN ONION. Yes!!!

Sunday, April 25, 2010

Son of a Beach

View Comments



Kapag ganitong summer ay likas na sa ating mga Pinoy ang mag-swimming. Dahil nga isang archipelago ang Pinas ay napapaligiran tayo ng mga anyong-tubig. Nakagawian na nating mag-outing para mapigilan ang pagpapawis ng ating mga singit dahil sa sobrang init!

Noong totoy pa ako ay paborito ko ang buwan ng March. Bukod sa bakasyon na ay celebration din ng birthday ng pinsan kong si Bambie tuwing akinse. Bilang regalo sa kanya ng kanyang daddy ay nagpupunta kami sa RIKITOY BEACH sa Cavite. Isipin niyo nalang kung gaano kaganda doon sa pangalan pa lang! Kahit na ilang beses na kaming na-dikya at nakakita ng mga lumulutang na tae ay masaya kaming bumabalik-balik doon. Nagsisilbing family reunion namin iyon sa mother's side tuwing summer. Ang sarap ng experience na iyon dahil sagana sa hotdog barbecue, ang daming pagkain, at hindi sila nauubusan ng alak (pero 'di pa ako tomador that time). Natapos lang ang trip na ganoon nang medyo na-realize na namin na contaminated na ang tubig at makati na sa balat. Siyempre, nag-dalaga na si insan kaya hindi na cool sa kanya ang celebration na ganun.

Monday, April 19, 2010

The Ring

View Comments

Hindi ako mahilig sa alahas. Alam ito na ng mga taong nakakakilala sa akin. Mas pipiliin ko pa ang bumili at magsuot ng ng mga kuwintas at dalang-dalang (bracelet) na yari sa beads, leather, o iba pang native materials. Mapagsusuoot mo lang talaga ako nito kapag kailangan lang tulad ng mga social gatherings na medyo pormal ang dating. Ito siguro ang dahilan kaya hindi ako naging hip-hopper – hindi kasi ako mahilig sa bling-bling.

Noong kinasal na kami ni misis ay may isang alahas akong sinimulang pakaingatan. Actually, hindi ko ito itinuring na alahas dahil hindi naman ito isang luho na binili para lang pang-kolorete. Noong mga unang linggo pagkatapos naming ikasal ay ilang beses ko itong nakalimutang suotinkapag papasok na ng trbaho. Kailangan ko pa talagang balikan sa bahay kahit na nakasakay na ako ng jeep o tricycle dahil feeling ko ay hindi kumpleto ang pagkatao ko kapag hindi nakasuksok dito ang palasingsingan ko. Natatawa ako sa misis ko kapag sinasabihan niya ako na baka hindi ko daw sinusuoot ang wedding ring namin kapag nakikipag-usap ako sa mga kliyente. Hindi niya lang alam na proud na proud ako sa singsing namin.

Kahit ngayong nandito na ako sa Saudi ay ‘di ko kinakalimutang suotin ang simbolo ng pagiging isa namin.

Minsang nanonood ako kami ng “Family Feud” sa PinoyTV ay naitanong kung ano ang palatandaan na ang isang lalaki ay may asawa na. Siyempre, simple kong isinigaw kay Dingdong Dantes na “wedding ring!”. At tumpak ako dahil ito ang top answer sa isandaang katao na tinanong sa survey.

Minsan namang breaktime namin ay napagkuwentuhan naming magkakasama ang tungkol sa wedding ring. May nagtanong sa isa kong kasamahan kung bakit hindi na niya sinusuot ang singsing nilang mag-asawa (medyo napuna ko na ito dati sa iba pero hindi ko naman na pakialam ‘yun para tanungin pa!). Ang sagot ng kasamahan namin ay “siyempre, single tayo kapag wala sa Pinas...eh bakit ikaw, nasa kaliwa ang singsing mo?!”. Nagtalo sila sa kung saan nga ba isinusuot ang wedding ring, kung sa kanan nga ba o sa kaliwa? Sumingit ako at sinabing sa kanan dapat ang singsing dahil ito ang pagkakaalam kong tama rin. Sabi ko, kaya nga may term na “nangangaliwa” dahil sa kanan ang tama. Sabay napahinto ang lahat... tapos na pala ang coffee break.

Sa totoo lang wala naman talagang tama o mali kung saan dapat inilalagay ang wedding ring. Depende nalang sa kulturang pinaniniwalaan mo. Kung ibabase natin sa Roman at Biblical customs, kanan ang pipiliin mo. Kung pagbabasehan naman ang mga Latin traditions, ang left sa salita nila ay “sinister” habang ang right naman ay “dexter”. Kaya ang pagsuot sa kaliwang kamay para sa kanila ay may negative na implication. Kung naniniwala ka naman sa “vena amoris” o “vein of love” ay isusuot niyo ang singsing sa kaliwang kamay sa paniniwalang may ugat na nasa ring finger papunta sa puso. Sa ngayon, mas maraming nagsusuot sa right hand dahil majority ng tao sa mundo ay kananete.

Hindi kami ng labs ko ang bumili ng wedding rings namin. Regalo ito ng bestfriend niyang si Jescyl. Tandang-tanda ko pa nooong binulungan niya ako na huwag nang isipin ito dahil sila na ni Louie ang bibili sa Bahrain kung saan sila parehong naka-base. Sabi nila ay suwerte ‘yun. Pasalamat talaga kami sa kanila.

Mahalaga ang sinisimbolo ng “band” sa isang couple. Naaalala ko tuloy ‘yung nagpakasal sila Homer at Marge Simpson. Dahil broke sila noong time ng kasal ay onion rings nalang ang ginamit nila. Nakakatawa pero ang daming mag-asawang wala nito na gustong magkaroon. Tapos may mga mag-asawa namang meron nito na hindi naman isinusuot! ‘Di nila naiisip na sila lang ang puwedeng gumamit nito dahil mismong sukat nila ang mga ito. Customized, may pangalan at date pa nila. Kaya nga kahit gaano kamahal ay hindi ito tinatanggap sa sanglaan!

Natatandaan ko ang sabi ng pari na ang mga singsing na hugis bilog ay sumisimbolo sa eternity. Walang katapusan na pagmamahalan ng dalawang nilalang. Hindi ito mabubuwag nino man kung inyong pangangalagaan. Kapag tinitingnan ko ang singsing ko ay pinapaalalahanan ako na may mabuti akong asawa at mga anak na nagmamahal. Ito ang nagpapatatag sa akin dito sa desiyerto. Wala nang iba.

Keep in mind, mga repapips, “Being bandless is never an innocent choice”.

Monday, April 12, 2010

Dear (Mga) Utol

View Comments

Utol kong sina Jeff at Pot


Bunso naming si Carlo at Ako


Nezelle, Ako, Geline, Bobot


The Brood ( Nezelle,Ako, Mat, Geline)


Kuha bago ako pumuntang Saudi




Dear Kuya – Sugarfree Music Code




Dear kuya, kumusta ka na dyan? 
Anong balita, malamig ba dyan? 
Dito mainit pero kung bumagyo, 
para bang lahat ng tubig sa mundo ay nandito 
Matagal na rin, mula nang ika’y magpasyang subukan 
ang swerte, at abutin ang yong mga pangarap 
Sa ibang bansa kung saan ikaw ay lagging mag-isa 
kami tuloy dito, nag-aalala 

[chorus] 
Nasan ka man ngayon, ano mang oras na 
ika’y may kailangan, tawag ka lang sa amin 
at parang nandito ka na rin 

Oo nga pala, kung nasayo pa ang checkered na 
polo ko, sa yo na yan. Hanap ka na rin 
ng maraming mapapaglibangan dahil balita ko 
mahal daw ang sine dyan 
Dambuha daw mga pinapakain dyan 
tataba ka malamang. Miss mo bang magtagalog? 
Kuya pag may kumausap sayo 
galingan mong mag-ingles, galingan mo kuya 

[chorus ulit tapos] 

Dear kuya, hinahanap ka ni mama at daddy sulat ka palagi. 
Miss ka namin, pati nga kapitbahay nagtatanong 
san ka raw nagpunta? san ka raw nagpunta? 
Nasan ka na…Kuyaaaaa.......



Buti pa si Ebe ng Sugarfree, lagi akong naaalala sa tuwing pinapakinggan ko sa celfone ko ang kanta nila na kasama sa Original Soundtrack list ng aking Buhay Saudi. Kaya heto, sasagutin ko na ang liham niya at ito'y inaalay ko sa tatlong bugok kong kapatid na sila Pot, Jeff, at Carlo. Kasama rin dito ang mga kapatid ko sa labas na sila Geline, Mat, Nezelle, at Bobot. Ayokong tinatawag na "kuya" dahil feeling ko ay tumatanda ako pero ok lang sa mga pagkakataong katulad nito.

Dear (Mga) Utol,

Okay lang ako dito. Malaki na 'yung pinapaalagaang camel sa'kin ng boss ko. Tuwang-tuwa nga siya dahil nanganak na ito ng napakalusog na babae. Huwag kayong mag-alala dahil hindi ako ang ama! Dito sa Saudi, mahal ang mga kamelyo. Ang sabi sa akin ng mga matagal dito ay mahal ang babayaran mo kapag nakasagasa ka nito - hanggang sa pinakaapo daw ang computation.

Nabalitaan ko nga sa 24oras na napakainit diyan, umabot daw ng 37 degrees! Nag-aalala tuloy ako sa mga pamangkin niyong kambal, baka lagi silang napapawisan. Kung nandiyan ako, baka hindi na ako sanay dahil mas mainit dito. Pero ok lang dahil magdamagan naman ang aircon dito. Kapag malamig dito, mas malamig pa sa Baguio. At kung mainit naman ay talagang napakainit. Lahat ng mga tao dito ay gumagamit ng lotion at moisturizer para maalagaan ang balat. Hayaaan niyo, dadalhan ko kayo ng Nivea at mga sabon pag-uwi ko para lumambot naman ang mga kalyo niyo. Umuulan din dito minsan sa isang taon at nagpipiyesta ang mga bado kapag nangyayari ito. Noong minsang umambon dito ay binaha ang Jeddah. Natamaan din kami dito sa Rabigh kaya wala kaming pasok nang mangyari iyon. 'Di kasi kasama sa design dito ang sewerage system kaya ganoon ang resulta! Sana umulan na diyan para mapuno na ang mga dam ng Pinas at mawala na ang shortage sa kuryente at tubig. Punta nalang muna kayo sa Imelda Falls sa Majayjay para maglublob sa malamig na tubig!

Nakaka-pitong buwan na ako dito at malapit na ang pinakaaabangan kong bakasyon. Sa August na 'yun, huwag kayong mawawala sa binyag ng anak naming Wonder Twins na sila Les Paul at Lei Xander ha. May balak pa rin ba kayong mag-abroad? Susuportahan ko kayo sa trip niyo basta kayanin niyo lang ang hirap dito ha. Madaling kumita ng pera pero ang emotions mo ang kailangan mong kontrolin at labanan. Kaya niyo ba 'yun?!

Oo nga pala Tol (Pot), wala sa akin 'yung checkered mong polo pero nadala ko dito 'yung puti mong Vans na t-shirt. Okay lang naman siguro sa'yo dahil nakita ko sa FB account mo 'yung t-shirt ko na "AbsoFuckingLutely". Quits na tayo, bagay rin naman sa'yo 'yun basta't huwag kang magpapalaki ng tiyan dahil medyo fit ang pagkayari niyan.

Walang sine dito pero maraming channels ang teevee namin. Ang huling napanood namin ni misis bago ako umalis diyan ay "Transformers 2", "The Time Traveler's Wife", at "Up". Nagiging updated lang ako sa mga pelikula through internet. Kilala niyo naman ako na mahilig sa movies kaya ayokong nahuhuli sa palabas. Yun nga lang, puro mga lecheserye ng PinoyTV ang kadalasang pinapanood dito kaya nagsa-soundtrip nalang ako at naglalaro ng "Plants Vs. Zombies" sa netbook ko. Kapag may time sa mga bagong movies na nahihingi ko sa mga kasamahan ko dito, sa celfone ko nalang pinagta-tiyagaang panoorin gamit ang DivX player. Nakakanood lang ako ng pelikula sa Fox at MBC kapag nagsasawa na sila sa mga punyemas na palabas ng Siyete. At kadalasan, ang paggawa nalang ng mga entries sa blogs ko ang tinututukan ko para maaliw.

Dambuhala at napakarami rin ng pagkain dito kaya nakakalimutan ko madalas ang "diet". Eh paborito ko pa naman ang shawarma plate dito na ang katumbas ay limang jumbo rolls sa Waltermart. Yung lechon at barbecue na manok ay napakamura din. Samahan mo pa ng broast chicken na equivalent naman ng 4pc chicken joy complete with fries at bread roll. Nakita niyo naman siguro sa mga nakaraan kong entries na "Yamang-Dagat" at "Ganito Kami 'Pag Sahod" ang tinutukoy ko. Huwag kayong mag-alala dahil ang tunay na lalaki ay walang abs... puro tabs!

'Di mo kailangan ng fluent english dito. Parang barok dapat tulad ng pakikipag-usap ko sa mga dati kong boss sa Pinas na dayuhan din. Sinisimulan ko na ang mag-aral ng Arabic dahil kailangan din natin ito for security, defense, at socializing. Mayroon na akong mp3's at handbooks para sa tamang pronunciation ng mga basic words na ginagamit dito. Humanda kayo dahil aarabuhin ko kayo pagdating!

Sabi niyo sa akin bago ako umalis ay "text text nalang" at "tawag ka lang" kung maiinip ako dito. Mga kups kayo, bakit wala man lang nagrereply sa inyo kapag nagtetext ako?! Pinaliwanag ko naman sa inyo na ganun din naman ang singil kapag sa roaming sim ko kayo nagreply. Atsaka sana ay magpaalam naman kayo kapag nagcha-chat tayo sa FB at YM. 'Yun ay kung magrereply kayo sa messages ko. Hindi naman ako naka-invisible o offline! Nagbago ba kayo ng sim o naputulan sa mobile plans niyo? Sana nga lang.

Hanggang dito nalang dahil humahaba na ang kuwento ko. mag-ingat sila sa inyo palagi.


Nangangalampag at Nagpaparamdam,

Ang Panganay na Kapatid


P.S.

Ganito yata talaga kapag biglang naiisip mo na hindi ka na naaalala ng mga kapatid at kaibigan mo sa buhay!

Friday, April 9, 2010

Mother's Best

View Comments


Una sa lahat, ipapaalam ko lang na hindi ako ang kasama ng ermats ko sa picture sa itaas. Mas guwapo ako sa bunso naming kapatid na si Carlo (na sabi ng iba ay kamukha ni Enchong Dee; totoo nga ba?!).

Birthday ngayon ni Ermats. At kasama niya ang buong Pilipinas na nagse-celebrate dahil laging holiday ang kanyang kapanganakan - Araw ng Kagitingan din ngayon. Minsan "double holiday" pa nga ang kaarawan niya dahil natatapat sa Holy Week.

Wala ako ngayon sa Pinas kaya hindi namin siya madadalaw ng misis ko. Sa celfone ko nalang siya mapapasaya sa pamamagitan ng taimtim na pagbati at masarap na kuwentuhan. Hindi naman "techie" si ermats kaya malamang ay 'di niya mababasa itong entry ko (unless tutulungan ako ng mga pogi kong kapatid na dalhin siya internet cafe sa kanto!). Sa ganitong paraan ko mapapakita sa buong mundo kung gaano ko siya kamahal.

Hindi ako showy na tao. Lalung-lalo na sa mga magulang ko. Nahihiya akong gawin ang mga simpleng pagbati tulad ng "happy birthday" at "i love you". Hindi ito nauso sa tahanan namin dahil siguro puro lalaki kaming magkakapatid. Ang last na naaalala kong nagtulung-tulong kami nila erpats at utol upang gumawa ng birthday greeting sa cartolina para kay mama ay nasa grade 2 ako. Kitang-kita ko ang saya sa kanya nang makita niyang may nakakabit na greeting sa dingding pagkagising niya. Pero after nun, nawala na unti-unti simula nang nagsilakihan na kaming mga barako.

Mahal kami ni ermats. Sa pagtutulong nila ni erpats ay nakapag-aral kami at nairaos ng maluwag. May mga trials in life pero magaling si mama. Utang ko sa kanya ang kinalalagyan ko ngayon. Kundi dahil sa pagsisikap nila ni papa ay 'di ako nakatapos ng kolehiyo na nakapagbigay sa akin ng chance na makakuha ng magandang trabaho. Although may mga kalokohan din akong nagawa sa buhay ko ay naintindihan, napatawad, at nagabayan niya naman ako.

Pinalaki niya kaming may disiplina at respeto sa sarili. Tandang-tanda ko pa ang mga pagre-review na pinagdaanan ko noong nasa pre-school pa ako - may oras ng paglalaro at may oras ng pag-aaral. Siya ang unang teacher ko sa alphabet at math na bumili pa ng mga educational cassette tapes para mas madali akong matuto. Hanggang ngayon ay dala ko pa rin ang habit sa pag-aaral kaya nga tumalino ako ng ganito.


Idol naming magkakapatid si ermats pagdating sa kasipagan. Sa kanya namin nakuha ang attitude na pumasok ng eskuwelahan kahit na bumabagyo. Nagdadalawang-isip pa kaming huwag pumasok kahit na medyo may announcements na ang ibang schools ng suspension of classes. Sa kanya ko nakuha ang kasipagan ko sa lahat ng bagay. Tatamarin lang ako sa katamaran (kaya masipag pa rin!).

Hindi masyadong magaling magluto si ermats kaya kami nila erapats ang mga hari at prinsipe ng kusina. Kung may paborito akong luto niya, ito’y walang iba kundi ang lumpiang shanghai. Walang tatalo sa finished product niya. Kapag may handaan, kahit ito nalang ang kainin ko, solved na ako!

Hindi siya nagkulang ng pagmamahal sa amin. Lahat ng maibibigay niya sa amin ay ibinigay niya. Ika nga ng karamihan, isusubo nalang niya ay ipapakain niya pa sa amin. Kaya nga kahit hindi ako malambing na tao, ipinaparamdam ko sa kanya sa ibang paraan ang pagmamahal ko. Natatandaan ko yung iyakan namin noong gabi ng kasal namin ng labs ko. Bago sila umalis sa bahay ay sinabi niya kung gaano niya ako mami-miss. Pero sigurado ako na sobrang saya niya ngayong may mga apo na siya – ang WONDER TWINS, dalawang Jayson na bibong-bibo!

KUNG PAPAPILIIN AKO NG DIYOS KUNG SINO ANG GUSTO KONG MAGING NANAY, SIYA LANG AT WALA NANG IBA ANG PIPILIIN KO.

Mama, salamat sa lahat!! We love you so much!!


~ NO BENTA




Heto naman ang entry ng utol ko:

Tuwing sasapit ang April 9 alam natin lahat na isa itong Philippine holiday at syempre walang pasok, kaya isa itong nakapagandang okasyon lalo na at ito ang araw ng pag gunita sa a kagitingan ng mga bayani nating mga namayapa na. Pero meron akong isang bayaning hindi man siya kilala sa lipunan ay maituturing ko pa rin siyang isang bayani ng aming pamilya. At walang iba kundi ang aking ina na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Bakit ko masasabing isang bayani ang aking ina? Sa hindi nakakaalam, siya ang una naming guro at siya ang nag turo nang mga kabutihang asal aming mag kakapatid. Hindi man kami lumaki sa magandang lugar gaya ng mga mayayaman at may mga magandang buhay sa lipunan ay dala naming ang kanyang mga turo kaya naman nagamit naming ito hanggang sa aming mga propesyon sa buhay.

Sa pagtitiyaga ng aming mga magulang ay napatapos nila kami sa maayos na paaralan, kahit napakaraming mga pagsubok na dinaan namin sa buhay ay hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang aming ina pati na rin ang aming ama. Kaya ito ako ngayon, kahit papaano ay umansenso rin sa buhay.

Siya ang lahat na nagturo kung paano mag-plansta ng mga damit, mag-laba, at kung anu-ano pang mga gawaing-bahay. Kaya naman nagagamit ko ito sa lahat ng bagay. Hindi man siya marunong mag luto ay mayroon naman kaming chief cook na matatawag at wala yang iba kung hindi si papa. Super close ako sa mama ko kasi ako ang mas madalas nyang kasama sa lahat ng mga ginagawa nya, kahit yung nag-resign na sya sa trabaho kasi nag ka roon kami ng pinansiyal na problema. Hindi ako nahihiya na magbanlaw ng mga damit ng kapit bahay namin kahit high school nako nun at kahit nag kolehiyo nako. Kasi isa yung paraan para kami mag ka baon. Ako rin ang katulong nyang ma malansta para madaling matapos.

Hanngang maka graduate kaming mga mag kapatid. Kahit nag babarko nako nun, ay sumasideline ako sa mga kasama ko dati para may extra akong ipon. Nakakatuwang isipin na sa mga ganoong bagay ay ma i aaply natin sa araw araw na pamumuhay.

Hindi ko alam kung ang isang bagay na maari kong ibigay para sa kanyang kaarawan, kasi hindi ko talaga ugaling mag bigay ng regalo pag may birthday sa mga pamilya ko. Siguro ang isa ko lang ma ibibigay sa kanya ay ang pag mamahal na hindi kayang tumbasan ng kahit na anong salapi. Mahal na mahal ko ang aking ina at iniidolo ko ang kanyang kasipagan, hindi man nya ito mabasa ay at least malaman ng buong mundo kung gaano namin siya kamahal.

Kaya bukas naisipan naming ng fiancé ko na ipagluto siya ng pansit kahit sa isang munting salo-salo,sayang lang at wala ang utol kong si Jay. Nasa Saudi kasi siya ngayon at ilang buwan na rin kaming hindi nagkikita, kasi pag ako ang nasa dagat, siya naman ang nasa disyerto. Nakikita ko na lang ang kanyang mukha sa mga mukha ng kanyang kambal! Hahaha, oo at kamukha nya lalo na pag nakasimangot sila.

Kung ako ay isisilang ulit at may pag kakataong pumili ng magiging ina, pipiliin ko pa rin ang nanay ko at wala po yang iba kundi si Luzviminda Quitiquit! Mabuhay ka mama! Happy happy birthday sa iyo! You are the most precious gem that we have! We love you so much!

~ POT (demofrommars)


Thursday, April 1, 2010

Plus or Minus

View Comments


Okay, huwag muna mag-react sa photo ng entry na ito. Hindi ito isang IQ Test,  ang tawag diyan ay Cartesian Plane. Hindi kita tatnungin kung paano nasatisfy ang equation na x2 + y2 = 22

Hindi mo kailangan maging “math genius” para maintindihan itong entry ko. Naisip ko lang kaninang umaga ito kaya gusto kong ibahagi sa inyo.

BILOG ANG MUNDO, kaya nga may apat na sulok ito. Maikukumpara natin ang mundo sa Cartesian Plane dahil mayroon itong apat na Quadrant (I, II, III, at IV). Ang First Quadrant ay ang upper right portion at ang mga susunod na quadrants ay naka-order in “counter-clockwise”.

May dalawang coordinates ang Cartesian Plane. Ang “X-Axis o Abscissa” – ito ang horizontal line na magre-represent sa events ng buhay mo. Ang left side ay may value na negative tulad ng kung ikaw ay “mangangaliwa”, samantalang kung papunta ka naman sa kanan o “right way” ay may positive na value. Ang “Y-Axis o Ordinate” naman ang vertical line na magiging representation ng sarili mo. Kung pataas ka ay positive ang value, at siyempre kung pababa ka ay siguradong negative papuntang impiyerno! Ang intersection ng dalawang linya ay tinatawag na “Origin– ito ang representation ng sarili mo noong wala ka pang alam sa mundo.

Ngayon, balikan natin ang Rules on Integers na nagpasakit ng mga ulo natin noong High School:


          Positive x Positive = Positive
          Positive + Positive = Positive
          Positive x Negative = Negative
          Negative x Negative = Positive
          Positive + Negative = Positive / Negative (Depends on the Higher Value)


Dahil “refreshed” na ang utak mo ay puwede na nating i-apply sa buhay mo ang mga sumusunod:

FIRST and SECOND QUADRANT [(X,Y), (-X,Y)]: Positive ang Pananaw Mo Sa Buhay: Natural kung positive ang outlook mo sa buhay at “on the right track” ka, positive din ang aanihin mo. Kung may dumating mang negative (trials) sa buhay mo at positive ka pa rin sa pag-iisip, maganda pa rin ang patutunguhan mo (see addition rule above). Kung magpapadala ka naman sa mga negative events at ginamit mo ang multiplication rule, negative na rin ang resulta. Lalo kang madidiin sa mga pagsubok ng buhay mo. Ang masaklap naman sa ibang tao, positive silang nagsimula tapos nawala sa tamang landas; pinili ang “Dark Side of the Force”, kaya nawala rin sa ayos. Mas pinili nilang mamuhay sa maling pamamaraan kaya napunta rin sila sa wala.

THIRD and FOURTH QUADRANT [(-X,-Y), (X,-Y)]: Negative ang Pananaw Mo Sa Buhay: Hindi naman dahil negative ka sa buhay mo ay negative ka na habambuhay. Nasa iyo pa rin ang choice dahil hawak mo ang buhay mo. There’s no such thing as luck. Naaalala ko tuloy ‘yung favorite quote ko na nagpapaalala sa ginagamit na pang-asar nung hacker sa movie na “Under Siege 2” – “CHANCE FAVORS THE PREPARED MINDS”. Kung negative ka na at negative pa ang dumadating sa buhay mo ay puwede ka naming mamili. ‘Pag multiplication rule ang ginamit mo ay positive ang kalalabasan. Paano mangyayari ‘yun? Simple lang, gawin mong strength ang weaknesses mo. Huwag ‘yung kawawa ka na nga eh magbubuhay-kawawa ka pa. Talagang kaawa-awa ka na kapag ganun ang ginawa mo. Kapag addition rule, hinahayaan mo lang na dumagdag ng dumagdag ang mga trials sa buhay mo na hindi mo na nagagawang solusyunan. Kung maganda naman ang dumarating sa buhay mo pero pinapairal mo ang pagiging pessimistic, applicable pareho sa’yo ang addition at multiplication rule – NEGATIVE VALUE ang makukuha mo! Pero kung ginagamit mo ang happiness of life at bawasan ang pagiging negative (addition rule), siguradong mapupunta ka sa first quadrant in no time!

Second time ko na magsulat ng entry tungkol sa Positive Outlook. Ito lang naman kasi ang natatanging SECRET para maging matagumpay sa buhay!

Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker