Tuesday, May 11, 2010

Three Weddings and a Lonely Man

 jayayeng 12082008
papatalo ba naman kami ni misis sa mga wedding pics sa ibaba?!

Masaya ang mga kasalan. Sigurado ako dito dahil naranasan mismo namin ng misis ko ang feeling noong kami ang ikinakasal. 'Yung alam mong kayo na ng minamahal mo ang magsasama ng habambuhay. Hindi 'yung basta magsasama lang kayo kundi 'yung may basbas ng simbahan, ng batas, at ng mga tao. Eight months pa lang ako mula nang dumating dito sa Saudi at pang-Guinness na ang dami ng mga kasalang na-miss ko.


Geline and Mafi (September 12, 2009)

Si Geline ang itinuturing kong BFF (ewan ko lang kung ganun din ang turing niya sa akin. jeJeje). Simula nang makilala ko siya noong highschool, siya na ang naging paborito kong kasa-kasama sa lahat ng bagay. Sa paggala, sa kalokohan, at kung anu-ano pang mga katarantaduhan. Kaya nga alam namin ang takbo ng bituka ng bawa't isa. Hindi lang sa saya kundi pati sa lungkot at kapighatian. Sa kanya ko nasasabi ang mga problema ko sa buhay lalo na kapag may gin bulag kaming katapat at masasarap na pulutan. Hindi naman halata sa katawan niya na mahilig siyang
kumain na sinasabayan ko naman. Masarap siya kasama sa lamesa dahil napapalakas ang kain ko. Noong ikinasal kami ni Supernanay ay ginawa namin siyang Best Man. Akalain niyo ba namang sa sobrang close namin ay gusto niyang ako ang gumawa ng speech para sa toast! Sayang talaga at hindi ako umabot sa kasal nila ni Mafi. September 3 kasi ang lipad ko papunta dito sa disyerto, nine day before ng kanilang big event. Kasama pa nga dapat ako sa secondary sponsors. Laking gulat nalang niya nang nag-announce ako ng pag-aabroad noong 31st birthday (July 19, 2009) celebration ko na invited lahat ng tropang close sa amin ni misis.

Buboy and Raisa (May 1, 2010)

Si Buboy ang aking brother-in-law na sumunod sa misis ko. Ang aking bayaw ang nag-iisang lalaki sa kanilang tatlong magkakapatid kaya kahit na hindi siya panganay ay parang kuya ang dating niya. sa  kanila. Typical sa mga kapatid na lalaki na maging protective sa mga kapatid nilang babae at isa na dito si bayaw. Halata niya siguro ang mga kalokohan ko noong binata pa ako kaya medyo ayaw niya sa akin. Ayaw niya kasing masaktan ang kapatid niya dahil sa pagmamahal sa akin. Nakailang "on and off"  kasi kami ni misis sa loob ng thirteen years  bago kami tuluyang nagpakasal. In between those "cool off's", ay laging sa akin ang may problema. Akala ko pagkatapos naming ikasal ay "malamig" pa rin ang magiging treatment sa akin ni Buboy pero nagkamali ako. Mukha lang siyang seryoso ang mukha katulad ko pero napakabait niyang tao. Very supportive siya sa aming mag-asawa from that day forward. Balita ko pa nga ay tuwang-tuwa siya sa aming Wonder Twins.

Pot and Eds (May 7, 2010)

Si Jasper naman ang sumunod sa akin sa aming magkakapatid. Apat kaming mga barako kaya masakit ang ulo ng mga magulang namin noong nagsisilakihan pa lang kami. Three years lang ang tanda ko sa kanya kaya magkalapit kami ng mga hilig sa buhay. Noong mga bata pa kami ay lagi ko siyang kaaway dahil sa inggitan. Lalo na noong dalawa pa lang kami - pagsamahin ba naman ang bunsoy at ang panganay, siyempre riot! Pero noong nagkabuhok na kami sa parteng ibaba ng aming mga katawan, naging close na kami dahil kahit papaano ay nag-mature  (daw) na kami at nabawasan ang pagiging isip-bata. Usapan namin noong kami ay nagkaroon na ng trabaho ay tutulong muna kami sa mga magulang namin kaya hindi muna siya puwedeng mag-asawa. Dapat ay mauna pa rin ako (siyempre magulang yata ito!). Noong ikinasal kami ng misis ko ay wala siya dahil kasalukuyang naglalayag sila sa gitna ng karagatan. Yes, isa siyang seaman na talo pa ang mga castaways ng Palau at mga housemates ni Big Bro. Ang nakakalungkot, ngayong araw naman ng kasal nila ni Eds ay ako naman ang nandito sa Saudi kasama ang mga kamelyo. Buti nalang at may Photoshop na dahil at least, puwedeng-puwede naming i-edit nalang ang mga wedding photos!

Sa tatlong masasayang kasalan, ako lang yata ang malungkot kung hindi mo isasama sa listahan ang mga nababaliw na kababaihang naghabol sa mga pogi(ta) kong naibida sa itaas. Malungkot dahil hindi ko nasaksihan ng "live" ang pinaaabangang araw nila sa buhay. I'm sure, sila Geline, Buboy, at Pot ang mga pinakamasayang lalake sa balat ng lupa dahil pinatulan sila nila Mafi, Raisa, at Eds. Peace tayo mga bro, JejeJe! Pero seriously speaking, I wish them all the best on their new chapter in life - good health, enough wealth, and a happy family! MASAYANG-MASAYA AKO AT NAGING ISA NA SILA NG KANILANG MAHAL.

Tulad ng sinabi ko sa misis ko sa wedding reception namin, ang salitang ASAWA ay pang-habambuhay. Hindi after a year ay mawawala ang letter "A" at magiging SAWA na. After two years ay mawawala naman ang "S" at AWA nalang ang nagiging dahilan ng pagsasama. After another year ay "WA" na kayo sa isa't isa dahil hiwalay na. Tapos kapag tinanong ka kung may asawa ka na ay mag-iisip ka ng mabilis at sasabihing "A....hhhh".
 

blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker