Wednesday, May 5, 2010

Gravy Na 'Toh

tourist spot dito sa Yanbu, KSA


Bagong lipat ako ng lugar. Patapos na kasi ‘yung unang project na napuntahan ko kaya sa iba naman ako ipapadala. From Rabigh ay nandito na ako ngayon sa Yanbu – parehong lugar dito sa Saudi Arabia. Ang pinagkaiba nga lang ay nasa siyudad na ako ngayon at medyo countryside naman ang setup ng nauna kong assignment. Naalala ko tuloy ‘yung time na nalipat ako from Cavite to Makati noong nagta-trabaho pa ako sa Pinas.

Sa paglipat ko dito ay may isang bagay akong medyo excited. Ang lahat ng tao ay may kababawan sa mundo kapag naisipan niyang magpakatotoo. At isa sa mga kababawan ko dito sa Saudi ay ang pangarap kong makakain sa JOLLIBEE. Eh bakit ka ba nangingialam, paborito kong kumain dito mula pagkabata hanggang sa mag-asawa, at magkaanak. Alam ko kung gaano “kalinis” (daw) lutuin ang mga masasarap na pagkain nila dahil nagging service crew ako sa kitchen nila noong nasa college pa ako. Anyways, hindi ang buhay ko bilang kabayong trabahador nila ang entry ko kundi bilang customer na OFW sa gitna ng disyerto.

Kahapon ay yinaya ako ng roommate kong si Emerson na pumunta sa Hyper Panda / Dana Mall para gumala at kumain sa Jollibee. Pitong buwan na rin akong hindi nakakapagpalamig sa mga mala-SM na establishments kaya ‘di ako nag-dalawang-isip na nagsabi ng “sige”. Saktong suweldo kaya all roads lead to the remittance centers. After magpadala ng pera sa mga mahal sa buhay ay pumunta naman kami sa dapat puntahan para “i-treat” naman ang aming mga sarili matapos maghirap ng isang buwan.

Asan na ang Jollibee dito?”, ang tanong ko kaagaad pagkababa ng sasakyan.

Mamimili muna dapat kami ng mga stocks pero napag-desisyunan nalang namin na kumain muna dahil pare-pareho na kaming gutom. Pumila ka ba naman nang napakahaba sa padalahan ng k’warta kasama ang mga ibang lahi na walang kasing-baho, tiyak hilo ka pagkatapos. Habang naglalakad ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko. Makikita ko na ulit ang Giant Bubuyog. Si Mr. Yum. Si Hetty. Si Twirlie. Si Champ. May mascot ba para sa Fiesta Palabok? Habang papalapit ay naaamoy na ng malalaking butas ng ilong ko ang Langhap-Sarap Goodness. Marami kaming dinaanan na ibang food chains tulad ng McDo. Meron ding nagtitinda ng paborito kong mga pasta at pizza. May tindahan din na puwede kang magpa- canton kung beerdey mo. Pero buo ang loob ko….JB kami!

Pagdating sa kainan ay medyo nagulat ako dahil iba ang nasa expectation ko. Akala ko kasi ay may sariling place ang JB dito. ‘Yun pala ay nasa food court lang. Pero ayos lang dahil heto na ang katuparan ng kababawan ko. Sa counter ay tiningnan ko ang presyo. Walang pinagkaiba ang mga meals nila. Pinoy na Pinoy pa rin dahil combo meals ang patok na sini-serve nila. Nandoon pa rin ang klasik na Burger Meals na kumpleto with fries and drinks. Siyempre, may Noodle Meals na spag at palabok with softdrinks. Meron din namang Chicken Joy Meals na may kasamang half serving ng choice of noodles. Kumpara sa broast chicken ng Al-Dewan at Al-Baik ay medyo mahal ang presyo ng imported na local foods. Ang two-piece Joy Meal ay 10SR – kung ikukumpara ito sa four-piece na 12SR lang ng mga local broast chains ay medyo mas mataas ang presyo. Pero walang “mahal mahal” sa sabik na sikmura. Oorderin ko na dapat lahat ng nasa menu nila nang nagpresinta si Emerson na siya na daw ang bibili ng dalawang Bucket Meal para sa aming pito. Hindi niya birthday at wala naman siyang lagnat, trip niya lang talagang manilibre.

Ten minutes pa daw bago mai-serve ang pagkain. No problem. Heto na ang pagkakataon para kumuha ng ebidens. Mga pictures na pang-FB at pang-FS! Oo na, jejemons, jologs, at lahat na ng kabakyaan pero okay lang….MASAYA NAMAN KAMI!! Ginawa lang naman naming tourist spot ang counter ng Jollibee. Nagtataka siguro ang mga Arabong nakakakita sa pinaggagawa namin. Ang mga kabayan na iba, nagtatawanan pero sa totoo lang ay ginawa rin nila ito dati!

Pagdating ng pagkain ay picture taking ulit. Gotta keep those "first time experiences" ika nga nila. Kumpleto ang kada bucket with rice, fries, sundae, at drinks. At meron pang napkin na madalas kong hindi makita sa mga kainan dito. Habang kumakain ay galit-galit muna. Wala masyadong kibuan, lalo na ako. Nilasap ko ang Chicken Joy, ang crispy balat nito at juicy meat na buti nalang ay hindi "bloody". Napansin ko lang,  mas malaki ang manok na sini-serve dito sa Saudi. Genetically engineered siguro....bwahahah! 'Yung drumstick kasi dito ay parang kasing-laki ng dalwang maliliit na drumsticks sa atin.

Wala na ring hiya-hiya. Alam kong libre lang ito kaya kinapalan ko na ang mukha ko na makakain ng pangalawang piraso. 'Yung iba kasi sa amin, isa lang ang kinain. Magtatatlo pa nga sana ako kaso medyo nakakahiya na. At parang lahat ay nagkahiyaan kaya may naiwan na.....(jaran!) isang piraso na walang gustong kumain. Hay Pinoy. Inuwi nalang ni Emer dahil sayang naman kung iiwanan lang doon.

Sayang lang at hindi unlimited ang gravy na sinasabaw ko sa kanin at ginagawang juice. Peyborit ko talaga ito. May kung anong formula ito na kaming mga ex-crews lang ang nakakaalam! Wala nito sa desiyerto. Kahit nga ang KFC dito ay garlic mayo ang binibigay na sawsawan. Hindi nila alam dito kainin ang special sauce ng fried chicken na kinalakihan natin! Napakahilig natin sa gravy kaya nga ginawa itong unlimited sa Pinas. Ang nakakatawa lang ay nilagyan na nila ng kadena  ang mga thermos na lagayan na nito. Ang iba kasi at tinutungga ang laman o nilalagay sa baunan para iuwi sa bahay!

May isa na akong tsek sa checklist ko. Yahoooo!!

Balut naman ang hahanapin ko sa bayan next time.


blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker