Monday, November 29, 2010

Usapang Tae Ulit


Ang entry na ito ay pangatlo na sa mga usapang jerbaks kaya kumuha ka na ng tisyu. NANDITO ang una. HETO naman ang pangalawa. Hindi na lingid sa kaalaman ng mga "close" sa akin na napakahilig kong tumae. Hindi ko alam kung bakit ganun pero parang karugtong na yata ng buhay ko ang kubeta, washroom, bathroom, powder room. 

Pero teka lang, konting trivia muna. Ang salitang toilet ay hindi tumutukoy sa kubeta kundi sa fixtures o kadalasan ay ang inidoro. Kung sakaling mapunta ka sa mga ibang bansa, huwag mong gagamitin ito sa pagtatanong kung nasaan ang kubeta dahil "low class" ang magiging tingin nila sa iyo. Ang "COMFORT ROOM" naman na term ay sa Pinas lang madalas gamitin.


Balik sa mabaho kong kuwento.

Nakatae ka na ba sa SQUAT TYPE na taehan?

Pinanganak akong isang Manila Boy kaya nasanay ako sa inidorong puwedneg upuan. 'Yung klase ng inidorong puwede kang matulog kung inaantok ka pa sa umaga bago maligo. 'Yung tipong puwede kang magbasa ng diyaryo habang iniire ang tubol palabas ng tumbong mo. Una akong nakakita ng squat type na taehan nang minsang magbakasyon kaming magkakapatid sa isang kamag-anak sa Bulacan. Medyo mga totoy pa kami noon at talaga namang 'di pa developed ang lugar. Sabi ko sa tita ko, "Natatae po ako.". Dinala niya ako sa likod ng bahay at itinuro yung kuwadradong gawa sa apat na yero. Pagpasok ko sa loob ay nagulat ako dahil wala akong nakitang inidoro. Tumakbo ako pabalik sa tita ko at sinabing nanakaw 'yung inidoro nila! Potah, napingot ako dahil 'yun na raw ang taehan nila - 'yung hinukay na portion na para sa akin noon ay parang kasing-lalim ng bangin. Hindi ko alam kung paano ko isu-shoot ang ebak ko sa kumunoy ng tae. Kung napanood mo ang pelikulang "Slumdog Millionaire", parang katulad ng tinutukoy ko 'yung nasa isang scene doon.

Akala ko ay hindi na ako ulit makakagamit ng squat type. Nang minsang magbakasyon naman kami sa Ilocos Sur, natae nanaman ako. Siyempre tinanong ko ulit ang kamag-anak namin kung nasaan ang kubeta. Sabi ni lola ay nasa labas ng bahay. Kinabahan ako dahil naalala ko 'yung kubeta sa Bulacan. Paglapit namin, safe naman ang nakita ko dahil may naka-install na inidoro. Ang siste, nasingitan ako ng nagmamadali kong tito na taeng-tae na rin. Sabi ni lola ay walang problema dahil may isa pa daw silang kubeta. Itinuro niya ako sa 'di kalayuan sa may kuwadradong yari naman sa pawid. Potah, wala nanamang inidoro! Kaya ko na ito sa loob-loob ko dahil malaki naman na ako. Nakaupo na ako at handa nang umire nang biglang may tumunog galing sa butas ng taehan. Kokak...kokak!!!

Unang trabaho ko pagka-graduate ng college ay napadapad ako sa itinadhana ng puwet ko - sa pagawaan ng magagandang inidoro. Sigurado ako (sa isip-isip ko) na pareho ng tinataehan ko sa bahay ang tataehan ko sa planta. Tama ako dahil sa opisina at dormitory ay katulad nga. Pero taena, nang minsang nagrebolusyon ang tiyan ko sa production area ay katulad ng nasa picture sa itaas ang bumulaga sa akin. Hindi ko sana papatulan dahil naka-fit ako na pantalon pero 'di na kaya ng tumbong ko ang pagpigil sa nagpipumiglas na buris ko. No choice!

Nang mapadpad naman ako sa lupain ng mga kamelyo, nasundan pa rin ako ng mga squat type na taehan, May mga nauupuang inidoro sa Saudi pero mas marami ang nakabaon sa sahig. Basahin niyo nalang ang Jeddah Tae Trip ko sa second link na ibinigay ko kanina.

Mukhang itinadhana yata na maging connected parang sa FB ang taehan sa buhay ko dahil isang taon matapos akong magtrabaho sa disyerto ay bumalik ako sa pagawaan ng inidoro. This time, sa China na. Ang nakakapagtaka, kahit na ang ginagawa namin dito ay katulad ng mga inidorong ginagamit sa Pinas, Squat Type pa rin ang bida!!!


blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker