Sunday, August 1, 2010

Tama na 'Yan, Pulutan Na


 kaya mo bang uminom ng gin-tubig na walang kasunod na pulutan?


Unang araw ng Agosto. Heto na ang entry dahil malapit na ang Oktoberfest!

Puwede bang tawaging pulutan ang isang pagkain kung wala namang inuman session?

Natanong ko lang ito dahil naalala ko ang manager namin nang minsang nagyaya akong kumain sa Aling Lucing's sa Buendia sa Makati. Nang umorder ako ng sizzling sisig budget meal ay tinanong niya ako kung bakit 'yun ang kakainin ko. Ang sagot ko lang ay "Paborito ko kasi ang sisig. Kaya nga 'di ba dito ako nagyaya? Alanganin namang umorder ako ng paksyet na fried chicken!". Sinagot naman niya ako ng "Ang weird mo kasi dahil pulutan ang sisig tapos gagawin mong lunch!". Sana ay may libreng sabaw ng papaitan para lalo siyang naguluhan!

Okay, tama na sa intro dahil malamang ay na-gets niyo na ang point ko.

PULUTAN, isa sa mga sagradong inihahain kapag may inuman. Tayong mga Pinoy na yata ang tanging lahi sa mundo na hindi makainom ng panulak na alak kung walang itutulak na pulutan. Isa na itong bahagi ng ating kultura na mahirap nang mawala. Kung hindi niyo naaalala ang classic commercial ng San Miguel na nauwi sa isang platitong mani, ipapaalala ko sa inyo 'yun sa pamamagitan ni pareng YT. Ang advertisement na ito ay tunay na sumasalamin sa ating mga Pinoy kapag inuman at pulutan na ang pinag-uusapan.




Malamang ay napansin mo nang kahit saan mang handaan ay pinaplano ang pagluluto ng pulutan. Madalas ngang mas nauuna pa itong isipin ng mga kalalakihan dahil ayaw nilang mapahiya sa tropa nilang dadalo sa kanilang mga paanyaya. May mga bukod-tanging taong naka-assign sa paghahanda ng mga ito dahil iba ang way ng preparation para dito. Kadalasan ay ang mga kelots ang nakatoka (teka, wala pa naman talaga akong nakita o narinig na bebot na nagluluto ng pulutang pang-sunog-baga) dahil sa pamimili pa lang sa palengke ay iba rin ang mga dapat mong puntahan para makakuha ng mga ingredients!

Saan ba nagsimula ang salitang pulutan? Kunwari ay ako si Kuya Kim...."ang salitang pulutan ay hango sa salitang "pulot" na madalas na ginagawa ng isang manginginom pagkatapos mag-shot ng alak. Noong panahon ng mga ninuno natin, ang mga nakahain lang sa lamesa ay mga "finger foods" lamang at bawal ang gumamit ng kutsara at tinidor dahil isa itong kakonyohan.". Maniwala man kayo o sa hindi, ang triviang ito ay inimbento ko lang dahil tinatamad akong makipagkuwentuhan kay pareng Googs at pareng Wiki.

Noong nag-aaral pa lang kaming uminom ng mga barkada ko ay wala pa kaming mga trabaho. Yes, high school pa lang ay nagtatago na kami sa mga madidilim na eskinita para tikman ang inumin ng mga tunay na lalake! Dahil nga wala pa kaming mga mapagkukunan ng pambili maliban sa aming mga tinipid na baong pera sa iskul-bukol, ang madalas naming mga "panlasa" sa ginbulag matched with sparkling ice-cold nawasa juice ay mga tsitsirya lamang. Hindi mawawala ang mga malinamnam na mani - adobong mani, maning kalbo, growers, at nagaraya. Siyempre kung may mani, meron ding cornik dapat. Pero mas paborito ko ang dried green peas kaya ito ang madalas kong i-request. Salamat nalang at naimbento ang dingdong mixed nuts dahil kanya-kanya kaming paborito! Masarap din ang tigpi-pisong mga maaalat na tsistsirya tulad ng pompoms, clover, lechon manok, at cheesedog. Suwerte mo kung may malaking ambagan na naganap para bumili kayo ng chippy, chiz curls, v-cut, o piattos! Kung wala naman ay puwede na ang stork, halls, o juicy fruit. Kung walang-wala na talaga ay yosi nalang o sipol! Those were the days - tandaan niyo mga kids, mahirap makipag-inuman na ganito lang ang mga pulutan dahil siguradong gasgas ang inyong lalamunan kapag isinuka niyo ang mga ito!!

College days naman ay medyo nag-level up na ang pulutan. Mas malaki na kasi ang mga allowance kaya medyo kaya nang bumili ng mas mahal sa mamiso. Masarap gawing pulutan ang century tuna na hot 'n spicy (depende rin sa taste dahil ang iba ay gusto ng "in brine", "in natural oil", afritada, mechado, menudo, o paksiw flavor) with matching sky flakes. Nakakabili na rin kami ng beinte pesos na halo-halong fishballs, squid balls, kikiam, at chicken balls kay manong na naglalako sa lugar namin. Huwag mo nga lang itutuhok ito sa stick - dapat ay nakalagay sa isang malalim na mangkok at lumulutang sa tamis anghang na special hepatitis sauce! Masarap din ang "on the side" sa kariton ni Manong Pisbol - ang nakababad na manggang hilaw at singkamas na may half-cooked na malasang-malasang bagoong na tinalo pa ang sa Barrio Fiesta. Kung wala naman siya dahil naka-dayoff ay nasa kanto naman ang mga barbecue-han na may mga instant pulutan din tulad ng isaw, dugo, ulo, paa, tenga, bato, bituka at kung anu-ano pang parte at lamang-loob. Basta't huwag lang kakalimutan ang sukang may halu-halong laway ng mga parokyano! Oy, nandiri ka pa sa laway ng suka pero sa laway ng isang maliit na basong tagayan na pinapaikot sa tatlumpung katao eh hindi ka nandiri!

Naaalala mo rin ba si Manong Balut kapag nag-iinuman kayo? Masarap din itong pulutan, promise. Huwag penoy ang bilihin niyo dahil walang thrill. Bili kayo ng mga sampung pirasong balut. Basagin at inumin ang sabaw. Balatan isa-isa at huwag munang kainin. Ilagay sa isang mangkok at himayin gamit ang isang tinidor o kutsara. Buhusan ng suka. Asinan. Presto, may masarap na kayong pulutan! Matibay nga lang dapat ang sikmura mo na tingnan bago kainin ang balahibo, tuka, at paa ng kawawang duckling. kung 'di mo trip ang ganito ay meron namang chicharong baboy on the side. Pampabata to the max, not applicable ang ganitong match kung beer ang iniinom niyo.

Sa mga inumang kanto, ganyan ang nakagisnan ko pero kapag kasama ko ang mga konyo kong klasmeyts sa mga bars ay hindi mawawala ang sizzling sisig, ang iconic food na naimbento nila Aling Lucing ng Pampanga. Ang sarap amuy-amoyin ang pulutang ito habang nagsi-sizzle pa siya. Dapat ay marunong kang mag-mix ng knorr seasoning, hot sauce at kalamansi. Alam mo rin dapat ang tamang paghalo sa itlog na topping para hindi magmukhang torta ang pupulutanin niyo - dapat ay tamang malasado lang ang dating. Actually, maraming klase ng sizzling plate dishes ang puwedeng gawing appetizer. Mayroong sizzling calamares, sizzling mushroom, sizzling tuna belly, sizzling tenga ng elepante, at sizzling mata ng ostrich. Next on the list ay ang tokwa't baboy na ang nagdadala talaga ay ang timpla ng soy-vinegar sauce. Kasama rin sa listahan ang cheese sticks, onion rings, at crispy kangkong. Ang mahal ng serving, taena sayang 'yung perang pinapaaral ng mga nanay at tatay natin (naks, bumanat purket graduate na)!

Noong kami ay nagkatrabaho na ay malaya na kaming nakakapili at nakakapagluto ng mga gusto naming pulutan. Usually (mga binata pa that time) ay pinaplano na namin Lunes pa lang kung ano ang magiging pulutan pagdating ng weekend o "Sabado Night". Paborito naming lahat ang papaitan dahil bukod sa lamang-loob ng baka ang tutunawin ng alak sa loob ng tiyan mo ay may mainit ring sabaw na puwedeng pangontra sa hilab ng iyong sikmura kapag nasobrahan ka na ng asido sa katawan. Noong bata ako ay nandidiri ako sa papaitan dahil alam ko kung ano ang "papait". Ito yung fluid na nasa tiyan ng baka o kambing na nasa boundary ng bituka nila. Boundary bago maging tae. Eeew. Ganun pala talaga, habang tumatanda ay dumudumi ang isipan ng tao. Lalo na kapag nagiging lasenggo.

Masarap din ang mga ihaw-ihaw. Hindi ako kumakain ng ulo ng isda kapag sinasabawan pero paborito ko ang mga inihaw na panga ng isda. The best ang inihaw na manok, inihaw na liempo, inihaw na tambakol, inihaw na bangus, at inihaw na tilapia. Sarapan lang din dapat ang pagkakatimpla ng toyomansi na may siling labuyo at sibuyas.

Crispy pata, tinurbong manok, kinilaw na blue marlin, dinakdakan, kinilaw na dilis, sinampalukang ulo ng baka, sinampalukang ulo ng kambing ('di ako mahilig sa goat), soup number 5, bulalo, bicol express, gising-gising, pinikpikan, baked tahong, talaba, halabos na hipon, pritong hito, pesang dalag, gambas, itlog ng kambing, crablets, andok's.... may nakalimutan ako panigurado dahil iba-iba ang taste at trip ng tao kapag nag-iinuman.

Ang sarap ng mga ganitong klaseng drinking sessions pero may dapat din tayong katandaan pagdating sa mga ganitong bagay. Una, huwag matakaw sa pulutan dahil hindi naman kainan ang dinayo mo kundi isang inuman. Pangalawa, puwedeng maging matakaw kung may inambag kang mas malaki sa mga nag-ambag na iba. At pangatlo, ang pulutan ay nasa mesa at hindi ang katabi mo!





blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker