sauce lang ang katapat
Kung mayroon akong isa pang lubos na nami-miss sa Pilipinas, ito ay ang mga pagkaing nabibili sa mga lansangan natin. Maraming mga street foods dito sa Saudi tulad ng shawarma pero wala pa ring tatalo sa lasa ng mga tuhog-tuhog ng mga suki natin sa kanto!
Sabi ni mama, noong ipinagbubuntis niya ako ay mahilig siyang kumain ng CHAMPOY at BALUT. Hindi naman ako lumaking kamukha ni Balot na may maasim na mukha pero may birthmark ako sa kanang dibdib ko na may balahibong-pusa. Mamula-mula daw ito noong bata ako pero ngayon ay parang wala na at mapapansin mo nalang kapag tinitigan mo. 'Yung mga pinagkakain niya siguro noong nasa sinapupunan pa lang ako ang dahilan kung bakit napaka-hilig ko sa mga street foods.
Noong nasa elementary pa lang ako ay naabutan ko pa ang mga lolo at loa kong nagtitinda pa ng mga makakain sa hapon. Isa ako sa mga apo nilang matiyagang naglako ng mga paninda nilang MARUYA, BANANACUE, KAMOTECUE, TURON, PILIPIT, KARINGKING (ito 'yung kamote fries na instead of salt ang nakalagay ay asukal na pula ang inihalo). Bukod sa kumikitang kabuhayan ko kapag nag-iikot ng tinda nila ay libre pa ako ng meryenda. Wantusawa! Nahilig ako sa sawsawang asukal na pula kapag kumakain ng maruya.
Mawawala ba sa pagkabata noong unang panahon ang tropa nila Manong Bote, Diyaryo, Garapa? Lagi namin silang inaabangan para maipalit ang mga naipon naming basura sa kanilang CHEESY KRISPAP. Palagi kong inaabangan ang mga bote ng gin na nauubos ng mga sunog-baga sa amin. Pati na rin ang mga bote ng patis, toyo, at suka na ginagamit sa pagluluto sa bahay. Mas gugustuhin naming magkakapatid, magpipinsan, at magkakalaro ang itinatakal niyang tsitsirya kaysa sa barya! Ang sarap ng maalat "residue" na naiiwan sa pambalot nitong pahina ng diyaryo o yellow pages. Finger-licking good! Kulay dilaw ang mga daliri mo pagkatapos kumain.
Click naman kapag summer si Mamang Sorbetero. Kahit na anong paninirang gawin nila ermats at erpats ay patuloy pa rin kaming bumili ng kanyang DIRTY ICE CREAM. Ang sabi kasi nila ay marumi daw ang kamay ni manong pero ok lang 'yun dahil sa tingin ko eh 'yun ang nagpapasarap sa apa. 'Di ko nalang iniisip ang paalala ng mga magulang ko na pinangkakamot ng bayag ni manong ang kanyang kamay na pinanghahawak sa ice cream cone. Tatlong flavors kadalasan ang dala niya sa kanyang cart - cheese, chocolate, at avocado ang common flavors pero minsan ay may mango, langka, at ube. Puwede kang mag-request sa kanya kung isang flavor lang o mixed. Sa apa naman ay may option ka kung regular o sugar cone ang gagamitin, depende sa bayad mo. Ang pinakapaborito ko sa lahat ay ang ice cream sandwich - ito 'yung sorbetes na nakalagay sa hamburger bun. Taenang NatGeo 'yan, inilista ang ganitong way ng pagkain natin sa kanilang weird foods!
Sa school naman ay marami akong paboritong hepatitis vendors. Isa sa mga peyborit ko ay ang sinaunang Zagu, ang ISKRAMBOL. Hindi ko alam kung ano ang tamang spelling nito dahil may nakita ako dati na "ice crumble". Kung sa parumihan lang kay Mamang Sorbetero, mas marumi ito dahil 'yung kamay ni Manong Scramble ay nakakapaghugas lang kapag kinakadkad niya ang yelong main ingredient nito. Sumasama na sa paninda niya ang kung ano mang mayroon sa kamay niya! Ah basta, paborito ko pa rin siya. Madalas akong humirit na dagdagan ang chocolate syrup na inilalagay as topping. Nakanamputs, akala mo eh tunay pero ang lalagyan lang naman ang "Hershey's".Pero ano nga ba ang ingredients nito bukod sa food coloring na pink?
Kakumpitensiya ni Manong Scramble si Manang Samalamig dahil parehong pampaalis ng init ang kanilang paninda. Iba't iba ang kulay ng SAGO'T GULAMAN. Mayroong red, mayroong green, at mayroon din namang orange. Iba't iba ang kulay pero pareho naman ng lasa. Nagkakatalo lang sila sa banilya na inilalagay dahil ito ang may iba't iba namang flavors tulad ng banana, vanilla, at pandan. Huwag ka na magtaka kung bakit alam ko ang pagtimpla dahil nag-sideline din ako nito dati sa pagtitinda! May mga tinderang malufet ang ingredients. Sila 'yung hindi kuntento na tubig lang at asukal. Nakatikim ka na ba ng fruit salad flavor? Ang sarap nito. The best there is. May gatas, may sago, may gulaman, may buko, may apples, may grapes, at kung anu-ano pa!
Kung may panulak, aba siyempre ay may pambara. Dito naman eeksena si Manong Pisbol. Noong unang panahon, ang mga laman ng itinutulak lang nila ay kawaling may FISHBALLS. Kasama nito ang mga garapon ng sauce na matamis, sauce na maanghang, sauce na tamis-anghang, at garapon ng suka na pagsasawsawan mo ng mga tinuhog mong paninda niya. Sa ngayon, may iba na ring bentahe ang mga "tulak" nito. May choice ka nang mamili sa nilulutong KIKIAM, SQUIDBALL, CHICKEN BALL, KIKIAM BALL, PEKENG HOTDOG, at KWEK-KWEK. Huwag mo lang kalimutan ang sauce na talagang nagpapasarap! Meron ding malalaking garapon na may nakababad na singkamas o manggang hilaw sa tubig! Kapag bumili ka naman nito ay may choice ka kung asin lang ang ibubudbod o ang bagoong alamang na hindi mo alam ang ingredients pero mas masarap pa sa bagoong ng Barrio Fiesta.
Hanggang dito nalang muna. Lalo akong nagugutom eh. Abangan nalang ang karugs.