Thursday, December 30, 2010

Sala sa Init, Sala sa Lamig

Hot Pot sa may kanto

Sa Pinas, nagrereklamo na kaagad ang kilikili ko kapag ang temperatura ay umaabot na sa thirty degrees.

Noong napunta ako sa Saudi, hindi man lang ako nakapagreklamo sa matinding sikat ng araw na may init na umaabot ng singkwenta dahil na-immune na yata ang balat ko. Para lang akong isang pinapatuyong balat ng baboy na anytime ay puwedeng iprito para maging masarap na chicharong isasawsaw sa maanghang na sukang iloko!

Matapos kong maranasan ang init ng disyerto, heto at nandito na ako sa China at pinipilit ang sarili na kayanin ang matinding lamig.

Nang dumating ako dito noong October ay maganda ang klima. Kayang-kaya ng balat-kalabaw kong kutis ang fifteen degrees. Parang nasa Baguio lang ako, ang sabi ko pa nga sa una kong entry noong nandito na ako sa lupain ng mga chekwa.

Akala ko masarap ang malamig. Taena pala ang pakiramdam. 

Una kong naranasan ang six degrees. Kumpara sa mga lugar na nagne-negative ang klima at may snow, hindi pa gaanong malamig (daw) ang temperatura dito sa lugar namin. Pero potah, first time ko ito kaya hindi maiiwasang manibago ang katawan ko.

Una kong kalaban ay ang pagligo sa umaga. WALANG PINOY ANG PAPASOK SA TRABAHONG HINDI NALILIGO. Magyelo man ang dagat, maliligo pa rin tayong mga Pilipino. Buti nalang ay may heater ang shower kaya medyo hindi nakakanginig. Minsan ay hindi gumana ang heater ng shower namin. No choice kundi maligo sa tubig na kasing-lamig ng tubig ng Falls ng Majayjay sa Laguna (teka, parang mas malamig pa nga yata ang lumalabas sa gripo namin!). Bago ko maibuhos ang tubig mula sa tabo ay nakailang sign of the cross ako. Ilang beses ko ring inilagan ang mga unang buhos. Quickie to the max, mga 10 seconds lang at tapos na ako maligo.Goodluck paglabas ng banyo dahil mas malamig ang pakiramdam kapag nadampian na ng hangin ang bagong-ligo mong katawan!

Magastos sa damit ang mamuhay sa maginaw na lugar. Doble ang medyas ko dahil tumatagos sa sapatos ang paksyet na lamig. Doble ang pang-itaas na damit tapos may pang-babaw pa dapat na jacket o long sleeves. Dapat ay may pang-ilalim din ang pantalon mo. Kung puwede lang ay doblehin mo na rin ang briefs mo para hindi manguluntoy si manoy.
Ang hirap matulog. Dapat ay makapal pa rin ang pantulog mo. Hindi uubra ang bananas in panjamas. Buti nalang at makapal ang blanket na nabili ko. Sayang at wala si misis para may kayakap ako dahil hindi sapat ang mga unan. Noong unang dating ko ay nakakapag electric fan pa ako pero ngayon ay parang mas matindi pa sa aircon lamig ng loob ng kuwarto ko! Dito lang ako nakakita sa China ng electric heater fans. Ang lufet 'di ba?

Noong nasa Pinas at Saudi ako, hindi ko kayang uminom ng tubig kapag ito ay hindi ice-cold. Subukan mong uminom ng malamig na malamig na tubig dito ngayon, ewan ko lang kung 'di ka mangatog. Sa totoo lang, dito ko lang na-appreciate sa Chaozhou ang uminom ng maligamgam na tubig.

Ngayon ko lang naiintindihan kung bakit sila mahilig sa tsaa. Ngayon ko lang din na-realize kung bakit may mga dambuhalang aso sa Alaska na may sukbit na barel ng alak. Oo mga parekoy, legal uminom dito ng alak kahit may trabaho. Pampainit daw ng katawan.

Sa gitna ng lahat, may nagustuhan akong kultura dito sa China. Masarap ang humigop ng mainit na sabaw kapag malamig ang panahon. Maraming mga kainan dito sa mga kanto kung saan puwede kang umorder ng HOT POT. 'Yung nakikita niyong pektyur sa itaas ay isang typical na set-up. May palayok na nakapatong sa uling sa gitna ng lamesa. Pinapakulo nito ang bagong katay na native na manok. Oorderan mo ito ng mga rekados na trip sa panlasa mo - maaaring mga gulay, mushrooms, lamang loob ng baboy o baka, at kung anu-ano pa. Ang tinding magpalasa ng mga herbs na inihahalo nila sa sabaw. Dagdagan mo pa ng chili sauce para tulo-uhog ka na talaga.

Walang maginaw sa mainit na sabaw. Ahhhh....


blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker