Saturday, December 18, 2010

Mukha ng Pera





"Bakit ang Pera, may Mukha? Bakit ang Mukha, walang Pera?"The Youth


Marami na ang naisulat tungkol sa pera. May kanta tulad ng naririnig niyo ngayon na gawa ng The Youth at ginawan ng rendition ng Parokya ni Edgar. Mayroong "Money, Money, Money" ng Abba at "Money for Nothing" ni Dire Straits. Sabi nila, "Money is the root of all evil". Sabi ng iba ay "Umiikot ang mundo sa pera". Kung ang sabi ni Kuya Kim ay "Ang buhay ay weather-weather lang", sa iba naman ay "Pera-pera lang 'yan!".

Lahat tayo ay mahilig sa pera. Hipokrito ka nalang kung sasabihin mong hindi. Kaya ka nga nagtatrabaho (bukod ng dahilang para sa ikabubuti ng pamilya) ay para kumita ng pera. 'Yung bulag nga sa "Slumdog Millionaire", alam ang denomination ng pera sa pag-amoy lang, paano pa kaya ang mga nakakakita? Paksyet ang gasgas na kasabihang "hindi mahalaga ang pera". Tingnan lang natin kung saan kang taehan pupulutin kung wala kang pera.

Just in time for the Yuletide, inilabas na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga bagong itsura ng pera ng mga Pinoy. Sa internet ko lang ulit ito nakita, courtsey of Yahoo! News. Sa aking opinyon, maganda ang naging disenyo ng mga bagong bayarin. Akma ang ginawa nilang gawing parang "business card" ng Pilipinas ang mga pera natin. Sa harapan ay naroon ang kasaysayan habang sa likuran naman ay naroon ang mga tourist spots na ipinagmamalaki natin sa buong mundo. Kung isa akong isang dayuhang mamamasyal sa Pinas, makakatulong ang pera sa aking itinerary.

Gusto ko lamang bigyang puna ang mga bagong pera natin.


BENTE. Sigurado akong isa ito sa pinakamaraming magiging laman ng mga sobreng ipamimigay sa mga bata bilang aginaldo ngayong Kapaskuhan. "Galing kay ninong at Ninang". Ang hirap gastusin kasi bago, mabango, at malutong. Pero huwag ka, mga ilang araw lang na ganun at mauubos rin naman. Hindi ko alam kung sa computer ko lang pero parang nag-iba ang kulay nito. Kaugnay kay Manuel Quezon ang lahat ng nasa harapan. Nandoon pa rin ang Palasyo ng Malakanyang. Makikita pa rin kaya 'yung anino ng taong nasa bintana na nakaimprenta sa lumang bente? Hindi ko alam kung bakit mula isang libo ay bumaba papuntang bente ang Banaue Rice Terraces.

TAPWE. Mukhang kulay pula pa rin naman. Kung sakaling magtatanong ka kung bakit 'yung landing ni McArthur sa Leyte ang kaugnay Late President Serge, ito ay dahil sa siya ang Vice President nang pumanaw si Quezon at noong patapos na ang WWII. Taal Volcano ang nasa likuran. Puwede na rin dahil isang natural wonder ito pero mas "wonderful" ang Banaue, 'di ba?

UBE. May halaga pa ba ang sandaan? President Roxas ang nag-author ng pagkakaroon ng isang central bank kaya kung maalala niyo, pektyur ng BSP ang nasa likod ng dating sandaang piso. Okay ang choice na Mayon Volcano at butanding. Kaso wala na ang security feature ng perang ito tulad ng nasa dating sandaan na may "bangkosentralngpilipinasbangkosentralngpilipinas..." sa mismong pektyur ng gusali.

ARROYO BILL. Dios ama. Dios anak. Diosdado Macapagal. Ito ang pinakapangit sa lahat ng designs. Parang walang theme. Connect the dots. Dahil siya ang nagpalit ng Independence Day from July 4 to June 12, nasa perang ito ang Aguinaldo Shrine at Barasoain Church na nasa dating lima at sampung pisong papel, respectively. Kita pa rin ba si muning sa bandang itaas ng simbahan? Chocolate Hills at tarsier, wala na ang tatalo pa kapag Bohol ang napag-usapan. Mas may value ito kaysa ipakita ang EDSA Dos. Okay na sana pero taena, ano 'yung nasa bandang kaliwa sa ibaba? May kutong-lupa? Ah hindi pala, nuno sa punso! Ang liit-liit na nga, pinaliit pa. Paksyet, bakit hindi nalang kasi binura?!

NINOY BILL.Mukhang suwerte na itong perang ito dahil hindi na nakasimangot si Ninoy at hindi na rin nakakulumbaba. Wala na ang treseng "500". Wala na ang treseng tao. Wla na 'yung ahas na nakapulupot. Wala na rin ang treseng bituin. Medyo nakakatuwang makita na after ilang years ay nagsama na rin sila ni Tita Cory. 'Yun nga lang, sa harap ng pera! May security feature ang parrot na nasa pera - nag-iiba ng kulay ang batok nito kapag inikot ng ninety degrees. Nagiging green mula red color.


TITO VIC AND JOEY. Hanggang ngayon ay 'di ko pa rin alam ang pagkokonek sa tatlong ito. Si Josefa Lllanes Escoda, alam kong siya ang founder ng Girls Scouts of the Philippines. Si Vicente Lim naman, ang alam ko lang sa kanya ay isa siyang kalye na binababaan ko noong pumapasok pa ako sa uste. Si Jose Abad Santos, kalye pa rin ang pagkakakilala ko sa kanya. Astig ang pagkakalagay ng Tubbataha Coral Reefs sa likuran! Pangarap kong makapunta dito kasama ang aking pamilya balang araw. Tulad ng limangdaan, may security feature din ang bill na ito. Nagiging gree from red ang kulay ng clam kapag inikot ng ninety degrees.


Okay ang ginawa ng BSP na ipakita ang mas batang itsura ng mga taong nasa harapan ng mga bagong pera. All in all, maganda talaga ang dating nila sa pagkakakita ko sa monitor ng laptop ko. Ewan ko lang sa actual.  Hindi tulad ng pera sa ibang bansa na iisang tao lang ang nakalagay sa lahat ng pera at sa kulay lang nagkakatalo, ang sa atin ay may pagkakakilanlan. Kumpara sa ibang perang nahawakan ko na sa mga bansang napuntahan, may ibubuga ang gawang pinoy!



blog comments powered by Disqus
Community & Groups - Top Blogs Philippines
Protected by Copyscape Online Copyright Checker