Okay, bago ko simulan ang entry ay gusto ko lang muna kayong pangunahan na wala akong hilig manood ng Pinoy Big Brother (defensive mode). Lalung-lalo na ng Teen Edition na puro may itsura ng kinukuhang housemates para magiging artista paglabas ng bahay ni Kuya. Nagustuhan ko lang ang palabas na ito noong unang season nila pero matapos 'yun ay nawala na ang pagiging fanatic ko. Hindi rin kasi ako natanggap sa audition ng celebrity edition kaya nagpaka-bitter nalang ako sa PBB. MAs gugustuhin ko pang basahin nalang ang librong "Nineteen Eighty-Four" ni George Orwell kung saan ibinase ang paksyet na reality / scripted show.
Kagabi ay naengganyo akong makinood ng isang episode sa mga kasama ko ring housemates dito sa villa nang mapadaan ako sa teevee area galing kusina. Binigyan ng task ni Big Brother ang pitong natitirang housemate na mamili kung sino ang makakasama sa Big Six. Kung tutuusin ay medyo mahirap ang pinapagawa niya dahil kailangan ng matinding pag-iisip kung sino ang isang tatablahin sa grupo.
