For a first-timer like me, talaga namang tatamaan ka ng homesick pag nakahiga ka na bago matulog. Ang dami kong biglang nami-miss sa trabaho sa Pilipinas kapag napag-uusapan ang birthday ni Bro.
SIMBANG GABI
Ilang beses kong binalak kumpletuhin ang mga misa tuwing madaling-araw kasi sabi nila ay matutupad ang wish mo kapag nabuo mo ito. Malay mo, bigla nga akong maging milyonaryo. Pero ilang beses rin akong nabigo kasi ang hirap talaga gumising ng alas-kuwatro ng umaga!
Only in the Philippines mo lang makikita ang mga kabataan na gumising nang madaling-araw para magsimbang-porma kasama ang mga syota nila. O kaya naman, magsimbang-lasing after maubos yung bote ng alak habang hinihintay ang misa!
Siyempre, ang pinaka-miss ko sa lahat sa ay ang puto bumbong at ang special bibingkang may itlog sa gitna na tinitinda sa labas ng simbahan. Lagi akong nagpapadagdag sa tindera ng kinayod na niyog tsaka ng pekeng Star Margarine na nagpapasarap sa lasa nito. Pag-uwi sa bahay ay samahan mo pa ng hot cocoa... Magnifico!! Pero paano mo gagawin ito kung ala-sais ng umaga ang pasok mo?
PALUWAGAN
Sa school, ang tawag ay class fund. Noong nagtrabaho na ako, ito na ang tawag. May option kayo ng grupo kung para sa inyong lahat o for personal use ang pag-iipunan niyo. From the word itself, para mas makaluwag ka. Tayong mga Pinoy kasi, namamahalan kapag hiningian ng pang-ambag ng isang bagsakan. Kahit na 100pesos lang ang contribution, mabigat pa rin sa bulsa. Kaya ang solution, piso daily one hundred days before the Christmas party! Bakit kaya mas nagiging kuripot ang tao kapag nagkakaroon na ng trabaho?
KRIS KRINGLE
Monito, monita. Sino nagsabing kuripot ang mga Pinoy? Napakagarbo kaya natin kasi bukod sa paluwagan, may pinagkakagastusan pa tayong mga regalo daily. At nagsisimula ito usually kapag nag-start na rin ang simbang gabi. Something old. Something new. Something slippery when wet. Minsan ok ang matatanggap mo pero madalas ay corny. San ka ba naman kasi kukuha ng worth 10pesos na regalo? Kahit sa Divisoria, di ka pupunta kasi lugi ka sa pamasahe. Araw-araw, nag-iisip ka kung paano mo ipupuslit sa drawer yung regalo mong mukhang tae kasi nakabalot sa dyaryo! Sana ay huwag lang something gooey at baka maitapon lang kapag nakapa ito!
WISH LIST
Karugtong ng kris kringle. May chance kang magsabit o magsulat sa bulletin board ng gusto mong makuha mula sa nakabunot sa'yo. Dito mo makikita ang ugali ng tao. May mukhang tanga kasi pera nalang ang gusto. Ibalik nalang daw ang ginastos niya. May makapal ang mukha kasi alam na ngang 100 lang ang usapan, hihiling ng tig-200. Yung iba, konting kapal lang kasi babayaran ka nalang ng sobra sa hiniling nya. Be careful with what you wish for, it just shows the true you!
GROUP PRESENTATION
Pinakaaabalahan ng lahat. October pa lang ay nagpa-practice na kayo dahil talo kayo noong nakaraang party. Kahit na 'di ka makatulog pag lunch break, ok lang. Kahit nagagalit na ang misis mo sa kakauwi mo ng gabi sa bahay dahil sa rehearsal, ok lang. Nakanangsyet, ilang beses ng bumenta ang ''Katawan'' ng Hagibis, inuulit-ulit niyo pa rin?! Sabagay, sa mga company parties mo lang mapagtatawanan ang mga corny at kahihiyang ginagawa ng mga empleyado. Once a year lang naman. After one week, makakalimutan din nila yun.
13th MONTH PAY
Ito ang pinakamasarap sa lahat. May ibang companies na hinahati ito. Yung iba, binibigay ang kalahati tuwing June. Karamihan naman ay binibigay bago mag-Pasko. Ito lang naman ang panahon na maniniwala ka kay Brod Pete na may LUBI-LUBI!!
Nakakamiss talaga ang araw ni Bro sa Pilipinas. Pero habang nandito ako sa Saudi, PASSKO MUNA ANG LAHAT DAHIL MAY WORK!
~ NO BENTA